Calendar

3 nagpanggap na empleyado ng Comelec, tiklo
CAMP BGEN Paciano Rizal–Timbog ang tatlong nagpakilalang empleyado ng Commission on Elections (Comelec) na nagtangkang mag-inspect ng mga Automated Counting Machines (ACM) sa Silangan Elementary School sa Sta. Cruz, Laguna noong Lunes.
Kinilala ni Laguna police director P/Col. Ricardo Dalmacia ang mga suspek na sila alyas Noli, Joel at Jose.
Sa ulat ng Sta. Cruz police sa pamumuno ni P/Lt. Col. Mark Julius Rebanal, may natanggap silang balita na may gustong mag-test ng ACMs sa nasabing eskwelahan.
Matapos makarating sa eskwelahan ng mga pulis, nag-verify sila sa legit na election officer tungkol sa tatlong indibidwal na nagpakilalang tauhan ng Comelec main office at nagpakita pa ng mga IDs.
Pero pag-verify sa Comelec-Laguna, nabuking na “hao shao” ang tatlo at lalong hindi awtorisado mag-inspect ng mga ACMs.
Dahil dito, inaresto ang tatlo at kasalukuyang nasa kustodiya ng Sta. Cruz police habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng mga kasong usurpation of authority at falsification of public documents.