35 bahay sa Quezon nawasak sa pagbitak ng lupa

96 Views

LOPEZ, QUEZON--Nasa 35 bahay ang nawasak makaraang gumalaw at mabitak ang malaking bahagi ng lupa sa Purok 2, Brgy. Matinik ng bayang ito noong Sabado.

Tuluyang nasira ang 35 na bahay na nakatayo sa tabi ng riles ng tren dahil sa pagguho ng mga poste at pader kaya’t namalagi muna sa evacuation center sa barangay hall at barangay health center ang 164 na mga indibidwal.

Walang naitalang nasaktan sa insidente dahil sa mabilis na paglikas ng mga nagulantang na residente.

Ayon kay Rodel Libranda, ang dating tuwid na riles ng tren nagmistulang letrang ‘S’ at naging tila bundok mula sa dating patag na kalsada
samantalang lumubog ang mga bahay na dating kapantay ng highway.

Dahil dito, magsasagawa ng pag-aaral ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO)-Quezon at provincial government hinggil sa naging sanhi ng insidente.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Dr. Mel Avenilla, PDDRMO-Quezon head, ang mga residente sa naturang barangay na huwag munang babalik sa kanilang mga tahanan dahil posibleng magkaroon muli ng paggalaw sa ilalim.

Delikado din umanong daanan ang highway sa lugar dahil nauka ang kalahati ng linya nito.

Ang kalsada naman mula Brgy. Matinik patungong Brgy. Tabuan halos nawala dahil sa paggalaw ng lupa.

Ayon kay dating kagawad Juvy Cabildo, dakong alas-9:00 ng gabi noong Sabado nang nagsimulang magsigawan ang mga tao sa kanilang barangay dahil sa mga tila pagputok na nanggagaling sa ilalim ng lupa.

Mabilis nagbitakan ang mga pader sa loob at labas ng mga bahay.

Inatasan ni Quezon Governor Angelina Tan si Engr. Rodel Florido ng Department of Public Works and Highways (DPWH) 4th Engineering District na tulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng insidente at magsagawa ng inspection sa mga lansangan sa lugar.

Ayon naman kay Florido, naglagay sila ng mga signages, mga barikada at kinordon na rin ang mga lugar na apektado.

Ang mga lansangan ng na naapektuhan ng paaggalaw mula sa national road patungo sa PNR railroad.