Dengue

4 teachers sa Manila may dengue; 2 estudyante patay

Edd Reyes Sep 12, 2025
271 Views

KUMILOS ang Maynila sa utos ni Mayor Isko Moreno para solusyunan ang tumataas ng dengue cases sa Pio Del Pilar Elementary School kung saan dalawang estudyante na umano ang namamatay.

Natanggap ng Manila Public Information Office (MPIO) Facebook page ang pangamba at pagaalala ng mga guro sa paaralan hinggil sa tumataas ng kaso ng dengue.

Nakasaad sa hinaing na dalawa ng estudyante ang namatay dahil sa dengue at isa pa ang nakaratay sa ospital dahil sa malalang kondisyon.

Apat na teacher ang may dengue ngayon, ayon sa hinaing, at noong Agosto 18 namatay sa dengue ang isang Grade 4 student habang ang Grade 6 na estudyante namatay noong Huwebes.

Nang makarating kay Yorme Isko ang pangamba ng mga guro, inatasan ng alkalde ang Department of Public Services (DPS) na maglinis sa labas at loob ng paaralan, habang nag-flushing naman ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO) at nag-misting ang Manila Health Department pagkatapos ng klase noong Huwebes.

“Sa mga magulang po natin sa Pio Del Pilar Elementary School, pumanatag po kayo, ang inyong pamahalaang lungsod nakatutok dito upang bumaba hanggang sa mawala na ang kaso ng dengue sa inyong lugar,” sabi ni Mayor Isko Moreno.