Bautista

49k Pinoy seafarer makikinabang sa desisyon ng EU na kilalanin lokal na sertipikasyon

190 Views

AABOT umano sa 49,000 Filipino seafarer ang makikinabang sa desisyon ng European Union na patuloy na kilalanin ang mga sertipikasyon na mula sa Pilipinas.

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista naiparating na nito ang magandang balita kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“I have personally reported to President Ferdinand R. Marcos Jr. that more than 49,000 Filipino marine officers and their families here in the Philippines stand to gain from this decision,” sabi ni Bautista.

Ayon sa European Commission, ang executive arm ng EU, nagdesisyon ang mga miyembro nito na patuloy na kilalanin ang mga certificate na ibinigay sa mga Pinoy na manlalayag sa kabila ng kabiguan na pumasa sa ebalwasyon ng European Maritime Safety Agency (EMSA) sa nakalipas na 16 taon.

Nakita umano ng EU ang seryosong mga hakbang na ginawa ng bansa upang makasunod sa mga requirement.

“We are deeply elated by this decision, confirming we have adequately addressed many of the findings of the EMSA,” ani Bautista.

Nauna ng nagsabi ang EMSA na maaaring hindi na kilalanin ng EU ang mga sertipikasyon mula sa Pilipinas dahil sa hindi nito pagsunod sa mga requirement kaugnay ng edukasyon, pagsasanay at certification system nito.

Kabilang umano sa mga pagkukulang ang kawalan ng garantiya na ang panuntunan ng Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW) convention ay nasusunod.