Rescue Source: FB

5 LGU sa Bicol may P10M ayuda mula sa QC gov’t

Cory Martinez Oct 31, 2024
59 Views

NAGLAAN ng halagang P10-milyon ang pamahalaang lungsod ng Quezon bilang financial assistance sa limang local government unit (LGU) sa Bicol Region na lubhang napinsala ng bagyong Kristine.

Ito ay matapos aprubahan ng konseho ang Resolution No. SP-9833 sa isinagawang special sesyon noong Martes na kung saan binigyan ng awtorisasyon si Mayor Joy Belmonte magbigay ng tulong pinansyal ang mga naturang LGU.

Pitong LGU sa Camarines Sur ang tatanggap ng kabuuang P8-milyon na kung saan dalawang milyong piso ay ibibigay sa Iriga City. Kabilang sa mabibigyan ng tulong pinansiyal na tig-isang milyon piso ay ang mga munisipalidad ng Bato, Nabua, Bula, Buhi, Pili, at Tinambac.

Sa probinsiya ng Albay, ang mga munisipalidad ng Libon at Guinobatan ay tatanggap ng tig-isang milyong piso.

Ayon kay Belmonte, pinili ang mga naturang lugar base sa rekomendasyon ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council sa pamamagitan ng Resolution No. 8, S-2024.

“Ito’y bahagi ng aming tungkulin na tulungan ang aming kapwa lokal na pamahalaan para sila’y makabangon mula sa epekto ng kalamidad,” ani Belmonte.

“Nagpapasalamat tayo sa ating Quezon City Council, sa pangunguna ni Vice Mayor Gian Sotto, at sa ating mga konsehal sa pagkilos na ito. Umaasa tayo na malayo ang mararating ng tulong na ito para sa mga taga-Bicol,” dagdag pa ni Belmonte.

Manggagaling ang tulong pinansyal mula sa Local Disaster Risk Reduction and Management (LRDDM) Trust Fund.