Isko

7 parak na nangikil, nanindak ng 2 riders sibak

Edd Reyes Sep 12, 2025
331 Views

INIUTOS ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang pagsibak sa isang opisyal at anim na tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Manila Police District (MPD) dahil sa pangingikil sa dalawang delivery riders.

Inatasan ng mayor si MPD Director P/BGen. Arnold Abad na itapon ang pito sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) upang hindi maimpluwensiyahan ang reklamong inihain ng isa sa complainant sa National Police Commission (Napolcom).

“Walang lugar ang mga tolongges sa Maynila, kahit pa sa hanay ng kapulisan.

Kapag mali, mali. Hindi natin puwedeng palusutin ang mga abusado, lalo na kung ang ordinaryong tao ang pinahihirapan,” sabi ni Yorme Isko.

Sa reklamo ni alyas “Chester” sa Napolcom, sinita sila ng ng isang police major, dalawang master sergeants, dalawang staff sergeants, isang corporal at isang patrolman noong Setyembre 9 sa Sampaloc, Manila.

Pinosasan silang dalawa at idinetine ng mula alas-3:00 ng hapon hanggang makatakas sila ng ala-1:00 ng madaling araw kinabukasan.

Bago nito, nakuha na ng mga pulis ang P9,000 sa kanyang Gcash at motorsiklo ng kanyang kasama.

Taliwas ito sa ibinigay na ulat ng mga pulis kay Napolcom Commissioner Atty. Vicente Calinisan na inaresto umano nila ang dalawa dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Nahaharap ang mga pulis sa kasong administratibo kabilang ang grave misconduct, grave irregularity in the performance of duty, at conduct unbecoming of a police officer.