Calendar
7 tiklo sa 1st day ng gun ban sa NE
CABANATUAN CITY–Pito ang naaresto sa limang bayan sa Nueva Ecija dahil sa pagdadala ng baril sa labas ng bahay ng walang kaukulang mga dokumento sa unang araw ng nationwide gun ban.
Nakumpiska ang mga loose firearms sa sabay-sabay na checkpoints noong hatinggabi ng Linggo, ayon kay Nueva Ecija police chief P/Col. Ferdinand Germino.
Ang pitong naaresto dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code of the Philippines mula sa Cabanatuan City, San Leonardo, Jaen, Quezon at Talavera.
Sa Cabanatuan, tatlong suspek ang nahuli habang dalawang baril—isang cal.9 mm pistol na may 18 bala at isang cal. 40 pistol na may 11 bala–ang nalambat.
Sa San Leonardo, nahuli ang isang lalaki na may dalang cal. 38 revolver at apat na bala.
Sa Jaen, sinabi ni police head Major Ernesto V. Esguerra na nahuli ng kanyang mga tauhan ang isang lalaki na nakuhanan ng cal. 9mm pistol na may walong bala.
Sa Quezon, arestado ang isang lalaki at nakuha sa kanya ang isang cal. 9mm pistol at anim na bala habang nasakote naman ng Talavera police ang isang lalaki dahil sa pagdadala ng cal.38 revolver na may anim na bala at shabu na nagkakahalaga ng P2,720.
Ang mga narekober na baril at iligal na droga gagamiting ebidensya habang ang mga naarestong suspek nasa kustodiya na ng mga pulis.