Calendar
Pinoy creators ibinahagi mga hamon, karanasan sa NY animation forum



NEW YORK CITY — Pinatunayan na naman ng mga Pinoy at Fil-Am na hindi sila pahuhuli pagdating sa larangan ng teknolohiya at sining matapos silang magningning sa ginanap na “Filipinnovation in Gaming, Animation, and Interactive” forum sa Philippine Center dito.
Bahagi ang nasabing kaganapan ng pagdiriwang ng Philippine Creative Industries Month (PCIM) na pinangunahan ng Philippine Consulate General-New York at ng Philippine Trade and Investment Center sa New York.
Ibinida ni Acting Head of Post Consul Juan Carlos C. Borromeo ang husay ng mga malikhaing Pilipino.
Aniya, mabilis ang pag-unlad ng creative industry sa bansa at malaki ang maitutulong nito sa paglago ng ekonomiya.
Binanggit ni Trade Commissioner Alma F. Argayoso na nasa mahigit 40 taong na ang karanasan ng Pilipinas sa animation.
Hinihikayat din niya ang mga dayuhang kumpanya na gawing partner ang mga Pinoy pagdating sa larangang ito.
Naging tampok din sa forum ang masayang panel discussion na pinamunuan ni Ingrid Festin ng Take-Two Interactive. Ibinahagi rin nina Nico Puertollano, Co-Founder at Executive Creative Director ng Rezonate, Rich Tu, Executive Creative Director at Partner ng Sunday Afternoon, at Brian Cortez, VR Developer at may-ari ng SpaceRex Games LLC ang kanilang mga propesyonal na karanasan at kung paano nila hinarap ang hamon sa kumpeyisyon at patuloy na nagbabagong industriya ng sining.
Tinalakay ng tatlo kung paano gumamit ng Artificial Intelligence (AI) habang pinapanatili pa rin ang “human touch” o puso sa kanilang mga obra.
Ibinida rin nila kung paanong ang kulturang Pilipino at mga positibong pag-uugali ng Pinoy ang naging susi para magtagumpay sila sa merkado ng Estados Unidos.
Ang forum ay ang ika-10 sa seryeng Filipinnovation ng Konsulado na nagsimula noong 2024 upang magbigay-inspirasyon sa mga susunod na henerasyon ng Pinoy creators.

