Calendar
3 swak sa rehas sa buy-bust sa Lipa, P21K shabu, boga nakumspisa

LIPA CITY, Batangas — Kalaboso noong Miyerkules ang tatlong diumano’y tulak ng bawal na gamot matapos masakote sa buy-bust sa Purok 4, Brgy. Pangao ng nabanggit na lungsod.
Ang mga suspek ay kinilala sa mga alyas na Ariel, 51; Analyn at Nonoy, kapwa 45, mga walang trabaho at nakatala bilang Street-Level Individuals (SLI) ayon kay PLt. Col. Aleli Buaquen, hepe ng pulisya.
Na-entrap ang mga suspek alas-10:45 ng gabi ng ng City Drug Enforcement Team (CDET) sa pakikipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency at nasamsam ang 3.22 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P21,896; isang unlicensed caliber .45 Colt Mark IV pistol na may magazine at tatlong bala, buy-bust money, cellphone at isang sling bag.
Kasalukuyang nakakulong sa Lipa City Police Station ang tatlong suspek na nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

