Calendar
Larawan: PAGASA/FB
PAGASA: Bagyong Rosal wala na sa PAR
LUMABAS na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Rosal, na may international name na Champi, nitong Sabado, Oktubre 24, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa Tropical Cyclone Bulletin No. 17F na inilabas alas-11 ng umaga, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 525 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes, sa labas na ng PAR. Taglay nito ang lakas ng hanging 120 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 150 kilometro kada oras.
Kumikilos ang Rosal pahilagang-silangan sa bilis na 20 kilometro kada oras at inaasahang magpapatuloy patungo sa East China Sea. Inaasahan ding unti-unti itong hihina sa susunod na 12 oras, bago posibleng maging severe tropical storm pagsapit ng hapon o gabi.
Bagama’t wala nang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa bansa, inaasahan pa rin ang malalakas na bugso ng hangin sa ilang lugar, kabilang ang Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Norte, Aurora, hilagang bahagi ng Quezon, Polillo Islands, Bicol Region, Romblon, Capiz, Iloilo at Negros Occidental.
Nagbabala rin ang PAGASA sa mapanganib na kondisyon ng karagatan sa hilagang Luzon. Maaaring umabot sa 5.5 metro ang taas ng alon sa hilagang baybayin ng Batanes at 4.5 metro sa hilagang baybayin ng Babuyan Islands. Pinayuhan ang mga mandaragat na manatili sa pantalan o humanap ng ligtas na kanlungan dahil mapanganib ang paglalayag sa mga lugar na ito.
Ito na ang huling bulletin ng PAGASA para sa bagyo, maliban kung muli itong pumasok sa PAR. Patuloy namang pinapayuhan ang publiko na sumubaybay sa mga lokal na abiso sa panahon at sundin ang mga tagubilin ng mga awtoridad.

