Bomb

Paaralan, pulis dapat handa, mabilis kumilos pag may bomb threat — NCRPO

Edd Reyes Oct 25, 2026
22 Views

PAIIGTINGIN ng pulisya sa Metro Manila ang kampanya sa pagpapalaganap ng kamalayan tungkol sa “bomb threat” sa mga paaralan.

Inatasan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano ang lahat ng police unit sa Kamaynilaan magkaroon ng maayos na koordinasyon, agarang pagsusuri sa banta, at wastong mga pamamaraang pang-emergency upang maprotektahan ang mga mag-aaral at kawani ng paaralan habang iniiwasan ang hindi kinakailangang pagkaantala ng mga klase.

Ang utos ay kasunod ng naiulat na bomb threat noong Oktubre 21 sa Medicine and Surgery Building ng University of Santo Tomas (UST) sa Maynila, kung saan natagpuan sa loob ng isang cubicle sa palikuran ng kababaihan ang isang liham na naglalaman ng banta, na nagdulot ng pagkaantala sa mga klase.

Binigyang-diin ni BGen. Abrahano na kailangang maging handa ang mga paaralan at mga awtoridad na reresponde na kumilos nang mabilis at sistematiko sa tuwing may naiuulat na bomb threat.

Dapat aniyang saklawin ng mga aktibidad ang tamang pagre-report ng banta, agarang pakikipag-ugnayan sa pulisya at maayos na paglikas kung kinakailangan, pagsasara, pagbabantay sa mga apektadong lugar, at pagsasagawa ng naaayon na pagsusuring pangseguridad bago ipagpatuloy ang normal na mga aktibidad sa paaralan.

Dapat ding paalalahanan ng mga tauhan ng pulisya ang mga opisyal ng paaralan na pangalagaan ang anumang posibleng ebidensiya at iwasang magpakalat ng impormasyong hindi pa beripikado na maaaring magdulot ng higit na pangamba sa publiko.

Iginiit ni PBGen. Abrahano na ang mga desisyon kung sususpindihin ang klase, ililikas ang mga gusali, o pahihintulutang makabalik ang mga tao ay dapat ibatay sa pagsusuri ng mga awtorisadong tauhang reresponde.

Nagbabala rin ang hepe ng NCRPO sa mga responsable sa paggawa o pagpapakalat ng mga bomb threat, at iginiit na ang mga ganitong gawain ay hindi inosenteng biro kundi seryosong usapin na kumokonsumo ng mga kagamitang pang-emergency, gumagambala sa edukasyon, at naglalagay sa publiko sa panganib.

Nanawagan din siya sa mga mag-aaral, guro, kawani ng paaralan, at publiko na agad ireport ang anumang kahina-hinalang mensahe at iwasang ipasa sa social media ang mga banta na hindi pa beripikado.