Abrahano

Abrahano: Pagpapatupad ng Oplan Bakal, Oplan Sita walang humpay

Edd Reyes Oct 25, 2026
32 Views

NAKASAMSAM ng 86 na hindi lisensiyadong baril mula sa 83 nadakip na indibiduwal sa 81 isinagawang operasyon ng limang police district sa Metro Manila sa loob lamang ng isang linggo muls Oktubre 15 hanggang 21.

Bunsod ito ng ipinangako National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano na ipagpapatuloy ang walang humpay na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na mga baril, kasunod ng nangyaring enkuwento noong Oktubre 22 sa Western Bicutan sa Taguig City kung saan dalawang armadong suspek ang nasawi matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa Oplan Sita.

Inatasan na rin ni PBGen. Abrahano ang lahat ng police district, Chief of Police at Station Commanders na ipagpatuloy ang masigasig ngunit naaayon sa batas na pagpapatupad ng Oplan Bakal at Oplan Sita, palakasin ang presensiya ng pulisya sa mga lugar na madalas pinangyayarihan ng krimen, at paigtingin ang pagtukoy at pagsamsam sa mga ilegal na baril bago pa magamit ang mga ito sa mararahas na krimen.

Masusi rin niyang pinai-imbestigahan ang mga nakukuhang baril, beripikahin ang rehistro at pagmamay-ari ng mga ito, at alamin kung may kaugnayan ang mga ito sa iba pang insidente ng krimen, habang mahigpit na sinusunod ang mga itinakdang pamamaraan at ang karapatan sa due process.

Hinimok ng NCRPO ang publiko na ireport sa pulisya ang anumang kahina-hinalang pagmamay-ari ng ilegal na baril at pinaalalahanan ang mga lisensiyadong may-ari ng baril na sumunod sa mga umiiral na regulasyon hinggil sa pagpaparehistro, paglilisensiya, at pagdadala ng armas.

Ang walang humpay na kampanya ng NCRPO laban sa mga hindi rehistrado o ilegal na pag-aari na baril ay upang mapigilan ang karahasang may kaugnayan sa armas at mapangalagaan ang mga komunidad sa buong Metro Manila.