Sara1

PROSEKUSYON HANDANG I-CROSS EXAMINE VP SARA

26 Views

HAHAHARAP sa pagtatanong ng mga tagausig ng Kamara de Representantes si Vice President Sara Z. Duterte kung magpapasya ang kanyang mga abogado na iharap siya bilang testigo sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Senado sa Nobyembre 9.

Ayon sa prosekusyon, handa silang kuwestiyunin siya hinggil sa mga rekord pinansiyal na umano’y nagpapakita ng hindi maipaliwanag na yaman, mga ari-ariang hindi idineklara at mga interes sa negosyong ipinagbabawal sa kanya.

Malugod na tinanggap ni House impeachment adviser at trial spokesperson Ace Barbers ang posibilidad na personal na sagutin ni Duterte ang natitirang reklamong impeachment.

Binigyang-diin niya na matagal nang naghahanda ang prosekusyon para sa paglalahad ng depensa at handa itong suriin nang mabuti ang mga paliwanag na maaaring iharap ni Duterte sa ilalim ng panunumpa.

“Kung ihaharap nila ang Pangalawang Pangulo bilang kanilang testigo, handa ang prosekusyon na isailalim siya sa cross-examination. Iyan nga ang matagal na naming sinasabi,” pahayag ni Barbers sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Sinabi ni Barbers na ang direktang pagharap ni Duterte sa mga senador ay magbibigay ng pagkakataon sa mga tagausig na suriin ang kanyang mga paliwanag tungkol sa mga transaksiyong pinansiyal, mga interes sa mga korporasyon at mga deklarasyon ng ari-arian na kinuwestiyon sa buong paglilitis.

“Sa katunayan, kung magkakaroon ng pagkakataong maimbitahan siya at siya mismo ang sumagot sa mga paratang na ibinabato laban sa kanya, mas maganda. Naghahanda naman kami para sa mga ebidensiyang ilalatag ng depensa,” paliwanag ni Barbers.

Natapos na ng prosekusyon ang paglalahad ng mga ebidensiya nito sa ilalim ng Artikulo II. Dahil dito, nasa kamay na ng pangkat ng depensa ni Duterte ang pagpapasya kung personal na sasaksi ang Pangalawang Pangulo o aasa na lamang ito sa iba pang mga testigo at mga dokumentong magagamit upang pabulaanan ang mga paratang laban sa kanya.

“Matagal nang naghahanda ang prosekusyon. Sa katunayan, habang nag-uusap tayo ngayon, naghahanda kami. Mayroon kaming malapit na koordinasyon at mga pagpupulong kasama ang lahat ng pampubliko at pribadong tagausig,” isiniwalat ni Barbers.

Kabilang sa mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon ang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), Income Tax Records (ITR), mga dokumentong inihain ng mga korporasyon at mga rekord sa bangko ni Duterte. Ginamit ni Forensic Accounting Expert Alexander Cabrera ang mga dokumentong ito upang matukoy ang tinatayang P817.87 milyon na umano’y hindi maipaliwanag na yaman na may kaugnayan kay Duterte at sa kanyang asawang si abogado Manases Carpio.

“Pinag-aaralan din namin kung ano ang posibleng mga ebidensiyang ihaharap ng depensa. Masusing pinaghahandaan ito ng prosekusyon,” diin ni Barbers.

Kinuwestiyon ni Barbers kung paano maipapaliwanag ng depensa ang mga dokumentaryong ebidensiya kaugnay ng mga deklarasyong ginawa ni Duterte sa ilalim ng panunumpa. Partikular niyang binanggit ang umano’y mga pagkakaiba sa pagitan ng iniulat nitong perang hawak at ng mga balanseng nakasaad sa mga rekord ng bangko na sinuri sa paglilitis.

“Dapat ba silang magpakita rin ng isa pang SALN na nakasaad doon ang cash, cash on hand at cash in bank?,” tanong ni Barbers.

Binigyang-diin din ng human rights lawyer na si Dino de Leon, convenor ng Bantay Senado, na dapat magkaroon ng sapat na pagkakataon ang depensa na ipaliwanag ang mga pinagtatalunang rekord. Gayunman, nanindigan ang kanyang grupo sa panawagan nitong hatulan si Duterte na nagkasala batay sa mga ebidensiyang iniharap sa ngayon.

“Pagdating naman sa pananagutan, hindi natin kailangang madaliin ito, at nararapat na mabigyan si Sara Duterte ng pagkakataong marinig sa hukuman,” diin ni De Leon sa kaparehong news forum.

“Hintayin namin ang mga testigo nila at isasailalim sila ng prosekusyon sa cross-examination,” paninindigan ni Barbers. Binigyang-diin niya na layunin ng lupon na masusing suriin ang mga ebidensiya ng depensa bago magpasya ang mga senador-hukom kung sapat ang natitirang reklamong impeachment upang patalsikin si Duterte sa puwesto.