Adamson Ipinahayag ni MPD Chief PBGen. Arnold Santiago na negatibo ang banta ng pagsabog sa EAC at Adamson University. JONJON C. REYES

Adamson U, EAC negatibo sa pampasabog matapos ang ‘bomb threats’

Jon-jon Reyes Oct 28, 2026
37 Views

Adamson1Adamson2Adamson3NAGKAROON ng tensiyon ang mga estudyante ng Emilio Aguinaldo College (EAC) at Adamson University (AU) sa kahabaan ng San Marcelino at United Nation Avenue sa Ermita, Manila matapos makatanggap ng umano’ybomb threat, Martes ng hapon.

Ayon sa report ng pulisya, bandang 2:07 ng hapon nang makatanggap ang Adamson University ng babala ng pagsabog mula sa isang post sa kanilang Facebook wall, na galing umano sa nagngangalang “Caterpillar 1252.”

Ayon sa user, narinig niya ang ilang indibidwal na nagpaplanong maglagay ng bomba malapit sa mga gusaling St. Therese (ST) at Central Scholastic (CS).

Agad tumugon ang Explosive Ordnance Disposal (EOD) at K9 unit, sa pamumuno ni PLt. Maria Theresa Uy Yu.

Nakipag-ugnayan ang EOD team kay Campus Security Head Hernando I. Cuerta at sa lokal na pulisya at sinuri ang St. Therese Building, Ozanam Building, at Cardinal Santos Building.

Natapos ang operasyon bandang 4:01 ng hapon at walang natagpuang anumang banta at naging payapa ang paligid.

Bandang 3:15 ng hapon ay nakatanggap ng umano’y ‘bomb threat’ ang EAC.

Isang senior high school student ang nakatuklas ng isang sulat-kamay na mensahe sa loob ng palikuran ng mga lalaki sa ika-apat na palapag ng Building 5 na matatagpuan sa kahabaan ng Gonzales at San Marcelino Streets.

Nakasaad sa mensahe: “May bomba sa loob ng EAC sasabog ito ngayong Martes alas tres.”

Kinuha ng discipline officer na si Jeffrey Bulaong ang papel mula sa basurahan at ipinaalam ito sa mga opisyal ng paaralan, na agad namang nakipag-ugnayan sa Ermita Police Station (PS-5) at sa Manila Police District.

Agad na nagtungo sa EAC ang EOD at K9 unit at dumating ganap na 4:08 ng hapon. Kasama ang mga tauhan ng Lawton PCP, mga imbestigador, at ang Philippine Red Cross, masusing sinuri ng grupo ang gusali ng senior high school sa ika-apat na palapag at ang mga pasilyo sa paligid nito.

Natapos ang inspeksyon ganap na 4:45 p.m. at kinumpirmang walang anumang pampasabog na natagpuan. Tiniyak ng mga awtoridad sa komunidad ng akademya na nananatiling mahigpit ang seguridad sa mga paaralan sa Maynila, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng mga maling babala.