Taxi

Dump truck bumangga, dumagan sa taxi, 6 sugatan

21 Views

Taxi1Taxi2 ANIM na katao ang nasugatan matapos araruhin ng isang dump truck ang taxi at Toyota Veloz SUV sa Payatas Road, Barangay Payatas, Quezon City, Martes ng gabi.

Ayon sa inisyal na report, nangyari ang aksidente dakong alas-8:50 ng gabi sa kanto ng Amlac Street habang binabagtas ng dump truck ang Payatas Road.

Kasabay nito, bumangga ang truck sa taxi at SUV na parehong patungo sa kabilang direksiyon bago ito tumagilid at dumagan sa taxi.

Kabilang sa mga nasugatan ang driver ng dump truck na kinilalang si Marvin at ang driver ng taxi kasama ang apat nitong pasahero—tatlong babae at isang lalaki.

Gumamit ng mga power tool ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection at pamahalaang lungsod upang mailabas ang mga naipit na biktima.

Agad na dinala sa mga ospital ang anim na sugatan para malapatan ng lunas.

Inalis ang dump truck sa pinangyarihan dakong alas-1:59 ng madaling-araw kahapon, habang naialis naman ang taxi dakong alas-4:10 ng umaga.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng aksidente.