Patay

Triker sinaksak ng kapwa triker dahil sa babae, tsugi

32 Views

NASAWI ang isang 32-anyos na tricycle driver matapos saksakin ng kapwa niya drayber na matagal na umano niyang nakaalitan dahil sa isang babae sa Barangay Tandang Sora, Quezon City, nitong Martes ng umaga, Oktubre 27.

Batay sa salaysay ng saksi, matagal nang may alitan ang dalawa dahil sa isang babae at madalas umanong nag-aasaran ang mga ito.

Alas-7 ng umaga nang dumating ang saksi sa terminal ng mga tricycle at naabutan ang dalawa na nagtatalo.

Habang nakaupo ang 41-anyos na suspek sa nakaparadang motorsiklo ay nilapitan siya ng biktima at ipinagpatuloy ang pang-aasar na nauwi sa pananaksak.

Napikon umano ang suspek kaya kinuha nito ang screwdriver sa toolbox ng kanyang tricycle, sinaksak ng ilang beses ang biktima hanggang sa bumulagta ito.

Matapos ang insidente, agad na sumakay ang suspek sa kanyang tricycle at tumakas dala ang ginamit sa pananaksak.

Hindi namalayan ng suspek na sinusundan siya ng saksi. Agad na tumawag ng pulis ang saksi na nagpapatrulya sa kanto ng Tandang Sora Avenue at Visayas Avenue at iniulat ang pananaksak.

Dinala ang biktima sa Quezon City General Hospital, subalit idineklara siyang dead on arrival.

Ayon sa pulisya, inamin umano ng suspek sa mga rumespondeng pulis ang pananaksak. Narekober din sa kanya ang screwdriver na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek.