Calendar
Recto sa ASEAN: Magtulungan sa semiconductor industry para sa trabaho, puhunan
HINIMOK ni Executive Secretary Ralph Recto ang mga bansa sa Timog-Silangang Asya na magtulungan sa halip na magkumpitensya sa pag-akit ng puhunan sa semiconductor at electronics industry
Nagsalita si Recto sa ASEAN Semiconductor and Electronics Forum 2026 noong Oktubre 26 sa ngalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Recto, dapat pagsamahin ng rehiyon ang lakas nito sa manufacturing, teknolohiya, research at skilled labor para maging global hub ng semiconductor production at innovation.
“This race is more than technology. It is about jobs, investments, innovation, and economic security,” ani Recto, chairperson ng Semiconductor and Electronics Industry Advisory Council (SEIAC).
May kanya-kanyang lakas ang bawat bansa na kapag pinagsama ay magpapalakas sa ASEAN bilang destinasyon ng mga dayuhang mamumuhunan. ayon kay Recto.
Sa ganitong paraan, ang kumpanyang mamumuhunan sa isang bansa ay makagagamit ng suppliers, manggagawa, research facilities at iba pang resources sa buong rehiyon.
Magbibigay raw ito ng mas malaking kumpiyansa sa mga kumpanyang naghahanap ng maaasahang production site sa gitna ng geopolitical tensions, pagkaantala ng supply chain at iba pang kawalang-katiyakan sa mundo.
Maaaring magdala ang mas matibay na kooperasyon ng mas maraming pabrika, mas maayos na sahod at oportunidad para sa mga negosyong Pilipino. Bahagi raw ito ng layuning iangat ang industriya mula assembly at testing tungo sa chip design, advanced engineering, research at innovation.
Tinukoy niya ang Philippine Semiconductor and Electronics Industry Roadmap na target ang US$110 bilyong taunang export pagsapit ng 2030.
Inimbitahan din niya ang mga mamumuhunan sa ASEAN na silipin ang Luzon Economic Corridor, kabilang ang panukalang 1,600-ektaryang technology hub sa New Clark City. Ayon sa kanya, makalilikha ito ng trabaho at oportunidad sa labas ng Metro Manila.
Binanggit din ni Recto ang batang workforce ng bansa bilang bentahe sa pag-akit ng puhunan.
Ayon sa kalihim, pinalalakas ng gobyerno ang engineering education, technical training, industry certification at pakikipagtulungan sa mga technology company.
“Our goal is to connect talent to technology, technology to investment, and investment to jobs,” sabi ni Recto.
Hinikayat niya ang mga bansa sa ASEAN na maglunsad ng magkakasamang cross-border training programs, research partnerships at supplier development projects para makasali ang maliliit na negosyo sa global production networks.
“Let us develop suppliers across borders, train the next generation of engineers together, and bring more ASEAN enterprises into global value chains,” panawagan niya.
Iginiit din ni Recto na dapat sukatin ang tagumpay ng industriya hindi lang sa produksyon, export at puhunan kundi pati sa disenteng trabaho, mas matibay na lokal na negosyo at sustainable na komunidad. Isinama rin niya rito ang Philippine Carbon Market Policy Framework bilang bahagi ng pagsusulong ng low-carbon investments.

