LTFRB

LTFRB sa bus operators: Tiyaking ligtas, maayos, komportable mga terminals

Jun I Legaspi Oct 29, 2026
26 Views

LTFRB1PINAALALAHANAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga bus operator na tiyaking ligtas, maayos at komportable ang kanilang mga terminal.

Ayon kay acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., nagsasagawa na ang LTFRB ng inspeksyon sa mga terminal sa buong bansa, katuwang ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Tumututok ang PNP sa kapayapaan at kaayusan sa mga terminal at pangunahing lansangan, habang nagsasagawa naman ang PDEA ng random at biglaang drug testing sa mga driver at konduktor upang matiyak ang kanilang kahandaang bumiyahe nang malayuan.

“Obligasyon ng mga bus operator na tiyakin ang kaligtasan at kaginhawaan ng kanilang mga pasahero,” ani Pua.

Sa inspeksyon ni DOTr Secretary Vince Dizon, pinuna ang dalawang operator dahil sa hindi pagsunod ng kanilang mga terminal sa itinakdang pamantayan.

Kabilang sa mga nakita ang maruruming palikuran, kakulangan ng ligtas at sapat na hintayan, at kawalan ng maayos na proteksyon laban sa init at ulan.

Binigyang-diin ni Acting Chairman Pua ang pagsunod sa LTFRB Memorandum Circular No. 2017-030, na nagtatakda ng mga pangunahing pasilidad para sa mga pasahero at naglalaan ng multang P5,000 kada araw sa bawat paglabag.

Inatasan na rin ang mga hepe ng Regional Franchising and Regulatory Offices (RFROs) na magsagawa ng regular at biglaang inspeksyon sa mga terminal at bus sa kani-kanilang nasasakupan, lalo na sa mga araw bago ang Undas. Inaasahang sa Biyernes ang pinakamalaking pagdagsa ng mga pasahero.

“Layunin nating tiyakin ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero sa panahong ito ng taon,” ani Acting Chairman Pua, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Bahagi rin ng paghahanda ang pag-apruba sa special permit para sa mahigit 1,200 bus upang matiyak ang sapat na masasakyan ng milyun-milyong pasaherong bibiyahe ngayong Undas. Inatasan din ang mga RFRO na regular na magsumite ng ulat sa mga isinasagawang inspeksyon.