Taguig Nakikipag-ugnayan ang mga pulis sa pamunuan ng isang hotel sa San Pablo City bago isagawa ang pagsagip sa babaeng estudyante na iniulat ng kanyang mga magulang sa Taguig City na nawawala. (photo courtesy of SPD-PIO)

Nawawalang 21-anyos na estudyante sa Taguig nakita sa Laguna

Edd Reyes Oct 31, 2026
40 Views

NATAGPUAN na ang 21-anyos na 4th year student ng UP Los Baños matapos iulat ng kanyang mga magulang ang kanyang pagkawala noon Okubre 25, 2026 sa kanilang tirahan sa Brgy. Pinagsama sa Taguig City.

Nakatulong ng malaki sa paghahanap sa nawawalang si alyas “Ela” ang nag-viral na video ng kanyang mga magulang nang magpaunlak ng panayam sa television network kaugnay sa paghingi ng tulong sa nawawalang estudyante matapos isagawa ang forward tracking review sa kuha ng mga CCTV kung saan siya huling nakita.

Sa pakikipag-koordinasyon ng Taguig police kay Laguna Provincial Director P/Col. Zandro Jay Tafalla, natagpuan si Ela noong Biyernes sa isang hotel sa San Pablo, Laguna ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Mederic Villarete, ang hepe ng naturang lungsod.

Dakong ala-1:00 ng madaling araw ng Sabado, Oktubre 31, nang ipagtapat ng estudyante sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Taguig Police Station na sadya siyang lumayas sa kanilang bahay bunga ng problema sa pamilya.

Inamin ng dalaga na una niyang tinangkang magpatiwakal sa isang resort sa Laiya, Batangas, sa pamamagitan ng pagkalunod nang mamalagi siya doon.

Bago aniya siya makuha ng mga awtoridad, tinangka niyang magbigti sa tinutuluyang hotel, patunay ang nakitang bakas sa kanyang leeg na palatandaan ng tangkang pagpapatiwakal.

Aminado si Ela na nakakaranas siya ng matinding kalungkutan at pagdurusa sa isip at damdamin kaya’t naglayas siya at nagtangkang magpakamatay.

Inirekomenda ng WCPD na madala sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) si Ela subalit nagpasiya ang kanyang mga magulang na sa isang pribadong ospital na siya dalhin para sa wastong intervention at mabilisang pagkakaloob ng atensiyong medikal na pangkaisipan.