Calendar
(Mula kaliwa pakanan) Pormal na pinagtibay nina Department of Tourism (DOT) Assistant Secretary Ren Sapitan, Secretary Dita Angara-Mathay, at aktor at negosyanteng si Alden Richards ang pakikipagtulungan ng DOT at multimedia company na Myriad nitong Huwebes (Oktubre 29) para sa paglulunsad ng FunRide PH, isang bagong aktibidad sa pagbibisikleta na magdadala sa mga kalahok sa mga makasaysayang pook at magagandang tanawin sa Maynila.
DOT, Myriad may partnership para sa FunRide PH na itatampok sikat na puntahan sa Maynila


PORMAL na nilagdaan ng Department of Tourism (DOT) ang pakikipagtulungan nito sa multimedia company na Myriad noong Huwebes (Oktubre 29) para sa paglulunsad ng FunRide PH—isang bagong kaganapang pagbibisikleta na magdadala sa mga kalahok sa mga pamanang pook at magagandang tanawin sa Maynila.
Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay, layunin ng aktibidad na ipakita ang mga atraksyong panturismo sa Maynila mula sa isang bagong pananaw.
Hangad din nitong hikayatin ang mas malusog at aktibong pamumuhay, habang isinusulong ang pagbibisikleta bilang isang paraan ng transportasyong makakalikasan na makatutulong sa pagbabawas ng polusyon at carbon emissions.
“May kuwento ang bawat kanto ng Maynila—sa Intramuros, sa Rizal Park, sa tabi ng Manila Bay, at sa ating mga pambansang museo. Sa pamamagitan ng FunRide PH, muli nating natutuklasan ang mga kuwentong ito, sa bawat padyak ng bisikleta,” pahayag ni Secretary Angara-Mathay.
Sa pangunguna ng tagapagtaguyod ng pagbibisikleta at premyadong aktor na si Alden Richards, pagsasamahin ng FunRide PH ang wellness, sustainable mobility, at domestic tourism sa ilalim ng temang “Moving People, Inspiring Change.”
Gaganapin sa Disyembre 19 sa Quirino Grandstand, ang aktibidad ay bukas para sa mga bihasa na at maging sa mga baguhan pa lamang sa pagbibisikleta, sa ilalim ng tatlong kategorya: beginner (5KM), intermediate (10KM), at advanced (21KM).
Maaaring gumamit ang mga kalahok ng road bike, mountain bike, folding bike, at electric bicycle. Ang iminungkahing ruta ay dadaan sa mga kilalang landmark tulad ng Intramuros, Rizal Park, Roxas Boulevard, Manila Bay, at ang National Museum Complex.
Nagpahayag ng pasasalamat si Richards sa DOT. Binigyang-diin niya na ang pakikipagtulungang ito ay hindi lamang nagsusulong ng pagbibisikleta, kundi humihikayat din sa mga kalahok na pahalagahan at pangalagaan ang yamang kultural at mga pampublikong espasyo ng lungsod.
“Hindi lamang ito isang kaganapan para sa pagbibisikleta. Sa pakikipagtulungan sa DOT—na labis naming ipinagpapasalamat—lalong napalakas ang mensaheng nais naming iparating. Secretary Dita, hindi niyo po alam kung gaano ito kahalaga para sa amin. Mas pinalawak pa natin ang saklaw ng FunRide PH, kung saan itinatampok natin ang mga bagay na atin na talaga,” pahayag ni Richards.
Inanunsyo rin ng DOT at Myriad ang mga planong palawakin ang FunRide PH sa iba pang mga destinasyon sa buong bansa. Layunin nitong ipakita ang iba’t ibang magagandang tanawin at yamang kultural ng Pilipinas, habang isinusulong ang responsableng paglalakbay na may malasakit sa kalikasan, at paglikha ng mas ligtas at inklusibong kapaligiran para sa mga siklista.
“Simula pa lamang ito. Sa susunod na taon, magkakaroon ng iba’t ibang aktibidad ang FunRide PH sa iba’t ibang lalawigan at lungsod. Itatampok natin ang mga tanawin at kagandahan ng Pilipinas, kalakip ang mahalagang mensahe na ang lahat ng siklista ay nararapat igalang, at ang pagbibisikleta ay hindi napapabayaan sa ating bansa,” dagdag ni Richards.
Alamin ang higit pa tungkol sa FunRide PH sa pamamagitan ng kanilang opisyal na audiovisual production, na nagtatampok sa yamang kultural ng Maynila sa pamamagitan ng pagbibisikleta..

