Bundol

8-anyos na batang lalaki na-hit and run sa Taguig

Edd Reyes Oct 31, 2026
25 Views

NANAWAGAN ang Taguig City Police sa sinumang motorista na nakasaksi sa babaing rider na tumakas matapos mabundol ang 8-taong gulang na batang lalaki sa Taguig City.

Ginawa ng tanggapan ni Taguig police chief P/Col. Julius Anonueva ang panawagan kasunod ng pagkabigong makilala ang babaing rider at makuha ang plate number ng gamit niyang motorsiklo nang mabundol ang biktima noong Oktubre 13 sa Magsaysay St. South Signal Village.

Humihingi rin ng tulong ang mga magulang ng batang biktima matapos magtamo ng pinsala sa ulo at katawan ang kanilang anak na kasalukuyan pa ring nagpapagamot sa pinagdalhang ospital.

Hinimok ng pamunuan ng Taguig police ang sinumang may impormasyon, may kuha na CCTV o dash cam ng kanilang sasakyan, na nakahagip sa pangyayari na makipagtulungan sa mga imbestigador upang makilala at madakip ang babaing rider.

Tiniyak ng pulisya na itatago rin nila ang pagkakakilanlan sa mga taong makakatulong at makakapagbigay ng impormasyon para sa pagkakakilanlan sa suspek at agaran niyang pagkakadakip upang mabigyang katarungan ang sinapit ng batang biktima.