Calendar
1,860 residente ng Koronadal City nakinabang sa People’s Caravan

MAHIGIT 1,860 residente ng Koronadal City ang nakinabang sa People’s Caravan: “Serbisyong Dala ay Pag-asa” ng National Housing Authority (NHA) sa Brgy. San Isidro, Koronadal City, South Cotabato.
Upang kumatawan kay NHA General Manager Joeben Tai, pinangunahan nina Region XII Manager Engr. Zenaida Cabiles at General Santos City/Koronadal/South Cotabato/Sarangani District Manager Engr. Fritzie Punzalan ang ika-54 na edisyon ng inisyatiba.
Naggawad ang NHA, kasama sina South Cotabato Vice Governor Arthur Y. Pingoy Jr. at Koronadal Vice Mayor Ma. Ester Marin Catorce, ng 3 Certificates of Title sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Koronadal Sites and Services.
Isinagawa rin ang paggawad ng 3 certificates of completion para sa theoretical driving course sa tulong ng Land Transportation Office (LTO) Region XII.
Nagkaroon din ng job fair sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region XII at pitong 7 aplikante ang natanggap sa mismong kaganapan.
Sa caravan proper, nagkaroon ng pagkakataon ang mga lumahok na makinabang sa mga produkto at serbisyo ng nasa 28 partner agencies ng NHA.
Kabilang sa mga serbisyong inalok ay ang tulong medikal at dental, pamamahagi ng mga gamot at bitamina, libreng gupit ng buhok, libreng physical therapy para sa mga pasyenteng na-stroke at pagbebenta ng mga abot-kayang salamin sa mata mula sa Department of Health (DOH) Region XII, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), PhilHealth, City Government of Koronadal-City Health Office (CHO) at EyeTech Optical.
Nag-alok din ng mga payo sa negosyo, tulong sa paghahanap ng trabaho, oryentasyon sa iba’t-ibang literacy at livelihood programs, pag-isyu ng mga employment at national certifications at tulong sa pag-a-apply para sa mga scholarship mula sa tanggapan sa Region XII ng DOLE, Department of Migrant Workers (DMW), Department of Science and Technology (DOST), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), local Public Employment Service Office (PESO) at G-Exchange, Inc (GCash).
Naghandog din ng mga basic registration services ang Philippine Statistics Authority (PSA), Social Security System (SSS), Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG), PNP at PhilHealth.
Pinalawig din ng Koronadal, provincial government of South Cotabato at Bureau of Fire Protection (BFP) Region XII ang kanilang logistics, security at emergency standby services sa buong kaganapan.
Bilang isa sa mga prayoridad na programa ni NHA GM Tai, ang People’s Caravan ay naglalayon na madala ang iba’t-ibang produkto at serbisyo ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong organisasyon sa mga benepisyaryo ng pabahay.
Nakatakdang magsagawa ang NHA ng tatlo pang People’s Caravan bago matapos ang taon.

