PWD

Pagpapatupad ng UPDWIS suportado ng QC PDAO

Jun I Legaspi Nov 7, 2026
40 Views

BUO ang suporta ng Quezon City Persons with Disability Affairs Office (QC PDAO) sa pagpapatupad ng Unified Persons with Disabilities Identification System (UPWDIS), ang pinag-isang sistema ng PWD ID sa buong bansa.

Nakikipagtulungan na ang QC PDAO at ang IT Department ng Quezon City sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maiugnay ang mga rekord ng QC PDAO sa pambansang sistema. Layunin nitong mapabilis ang pagberipika ng mga PWD ID at magamit ang mga rekord na nasa QC PDAO na, upang hindi na kailangang magparehistro muli o magsumite ulit ng impormasyon ang mga nakarehistro na sa lungsod.

Isa ang Quezon City sa mga unang lungsod na nagkaroon ng pinag-isang digital ID system nang ilunsad nito ang QCitizenID noong Enero 2021. Maaari nang magparehistro online ang mga PWD para makakuha ng QCID. Isinusumite rin ng lungsod ang kanilang mga rekord sa Philippine Registry of Persons with Disabilities.

Maaaring gamitin ng mga PWD ang kanilang pisikal na QCID o ang digital na bersyon nito sa QCitizen app para makakuha ng mga serbisyo at makilahok sa mga programa ng lungsod. Patuloy naming pinapaalalahanan ang mga negosyo at establisimyento sa Quezon City na tanggapin ang QCID ng mga PWD bilang wastong ID para sa kanilang mga benepisyo at diskwento.

Para sa QC PDAO, pagkakataon ang pambansang sistema para pag-ugnayin ang mga sistemang ginagamit na ng lokal at pambansang pamahalaan. Sa ganitong paraan, mas mapapadali ang pagkuha ng mga PWD ng mga serbisyo at benepisyong para sa kanila.