Calendar
Mega Job Fair, gaganapin sa Maynila sa Huwebes, Nov. 12
MAHIGIT 2,700 na mga bakanteng lokal at overseas na trabaho ang nakatakdang ialok ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa mga job seekers sa gaganaping Mega Job Fair sa Huwebes, Nobyembre 12, 2026.
Pangungunahan ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang paparating na Mega Job Fair na gaganapin sa ika-5-palapag ng Isetann Cinerama Complex, sa Quiapo, Manila na sisimulan ng alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Naisakaturapan ang pagsusulong ng nakatakdang job fair sa pagsisikap ng Manila Public Employment Service Office (PESO), katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) Manila Field Office, at Department of Migrant workers (DMW).
Pinakamarami ang alok na trabaho bilang customer service representative na aabot sa 1,455, kasunod ang service crew at production staff, habang aabot din sa mahigit 200 ang iniaalok na trabaho sa mga skilled workers para sa lokal at overseas na trabaho.
May ilalagay ding “One-Stop-Shop” ang lokal na pamahalaan para sa mga aplikanteng kukuha ng mga kinakailangang dokumento sa Bureau of Internal Revenue (BIR), PhilHealth, Pag-Ibig, Social Security System (SSS) at Philippine Statistics Authority (PSA).
Pinayuhan naman ni Mayor Isko ang mga aplikante na huwag kalimutang magdala ng maraming updated na resume at ng ballpen upang maging handa sa “on the spot interview”.

