Valenzuela

Lolo, 62, ‘nagtago’ sa Sorsogon dahil sa kasong droga sa Valenzuela, huli

Edd Reyes Nov 8, 2026
25 Views

NADAKIP ng mga awtoridad ang 62-anyos na lalaki na nagtago sa Barcelona, Sorsogon noong Sabado na nahatulan na sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga sa Valenzuela City.

Sumugod sa Sorsogon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili nang makatanggap ng impormasyon na doon nagkakanlong ang lolo.

Katuwang ang mga tauhan ng Barcelona Municipal Police Station at San Manuel Municipal Police Station sa Sorsogon, inaresto ang akusado dakong alas-10:10 ng umaga sa Brgy. Poblacion Sur, Barcelona.

Bitbit ng mga operatiba ng Station Intelligence Section at Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela Police Station ang arrest warrant na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 284 ng Valenzuela laban sa akusado para sa kasong paglabag sa Section 12 ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na may kalakip na service of sentence.

Nagpaabot naman ng papuri ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano sa NPD at Valenzuela police sa masigasig na pagtugis sa akusado na pansamantalang nakadetine sa Barcelona Municipal Police Station habang pinoproseso pa ang pagbiyahe sa kanya sa Valenzuela City.