Vic Reyes

BOC walang dudang malalampasan 2026 target collection

Vic Reyes Nov 8, 2026
27 Views

MALIGAYANG araw sa ating mga tagasubaybay, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Endo Yumi, , Roana San Jose, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, at Hiroshi Katsumata.

Ganun din kina Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Nida Reyes, Dolores Monfero at Delia Sunga ng Saudi Arabia.

God bless sa inyong lahat!

***

Magandang balita ito mula sa Bureau of Customs (BOC) na pinamumunuan ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno ng Malabon City.

Kinakailangan na lang kumolekta ang BOC ng P157 bilyon sa natitirang dalawang buwan ng taon para makamit ang P1.011 trilyong collection target ng ahensya sa 2026.

Ito ay pagkatapos na makapagtala ang BOC ng pinakamataas na buwanang koleksyon sa kasaysayan nito noong nakaraang Oktubre.

Sa kabila ng pagbaba ng import volume, umabot pa din ng tumataginting na P97.463 bilyon ang koleksyon noong nakaraang buwan.

Batay sa preliminary data, ang koleksyon ay mas mataas ng P14.501 bilyon kumpara ng P82.962 bilyong koleksyon noong Oktubre 2025.

Ayon sa datos ng BOC, umabot na ng P853.662 bilyon ang kabuuang koleksyon mula Enero hanggang Oktubre 2026, ang pinakamataas para sa unang sampung buwan ng taon sa kasaysayan ng ahensya.

Nalampasan ng ahensya ang P846.522 bilyong target na P7.140 bilyon.

Dahil may kabuuang P853.622 bilyong koleksyon na ang BOC, kailangan na lang makakolekta ng P78.5 bilyon sa Nobyembre at P78.5 bilyon din sa Disyembre para malampasan ang 2026 target collection na P1.011 trilyon.

Ang tumataas na koleksyon ng BOC ay nakakatulong sa pagpopondo ng mga proyektong pang-imprastraktura, serbisyong pang-kalusugan at iba pang mahahalagang programa at operasyon ng gobyerno.

Ayon kay Commissioner Nepomuceno, ang maayos na customs administration at sama-samang pagsisikap ng BOC personnel sa buong bansa ang susi sa tagumpay ng ahensiya.

“Every record we achieve reflects the dedication and hard work of our customs personnel nationwide. My heartfelt thanks to all our collection districts for their tireless efforts and commitment to deliver results,” ayon kay Nepomuceno.

Sinabi pa ni Commissioner Nepomuceno na ang bawat pisong nakokolekta nila ay may katumbas ng serbisyong maihahatid sa taumbayan.“With our cumulative collection continuing to exceed its target, we remain confident in our ability to achieve our full-year revenue goal.”

Dahil sa magandang revenue collection performance ng BOC, wala ng duda na malalampasan ng ahensya ang kanilang 2026 target collection.

Lalo na at dumarating pa rin ang mga tinatawag na imported Christmas items.

Kilala kasi ang mga Pinoy na mahilig bumili ng mga mamahaling regalo para sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan bago pa ang araw ng Pasko.

May standing order rin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga taga-BOC na lalong paigtingin ang revenue collection, transparency at accountability efforts.

***

Patuloy ang kampanya ng Bureau of Customs (BOC) laban sa iligal na pagpasok ng mga sigarilyo sa Pilipinas.

Kung saan-saan nasasabat ng BOC, Philippine National Police (PNP) at iba pang partner-government agencies ang mga kontrabandong sigarilyo.

Ito ay hindi nakapagtataka dahil sa dami ng isla sa bansa na puwedeng pagdaungan ng mga sasakyang pandagat na may lulang kontrabandong sigarilyo.

Ang maganda lang ay nasasabat ng mga otoridad ang mga sigarilyong ito dahil sa magandang koordinasyon ng concerned agencies.

Noon ngang Oktubre 21 ay nasabat ng BOC, sa tulong ng PNP, ang isang refrigerated van na may lulang 3,754 reams ng puslit na sigarilyo.

Nasabat ng BOC-Port of Iloilo, na pinamumunuan ni District Collector Noli P. Santua Jr., at PNP ang nasabing refrigerated van sa bayan ng Ilog, Negros Occidental.

Ang kontrabando, na nagkakahalaga ng P4.1 milyon, ay walang kaukulang Bureau of Internal Revenue (BIR) tax stamps.

Nasa kustodya na ng pulisya ang drayber ng van at ang kasama nito, na kapwa residente ng Barangay Cogon, Dipolog City.

Pinangunahan ng Port of Iloilo ang operasyon alinsunod sa direktiba ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno at sa pakikipag-ugnayan kay Deputy Commissioner for Intelligence Group Emmanuel Luis Licup.

Si Depcom Licup ay isang retiradong police major general.

(Para sa komento at pagbati, mag-text sa #0917-8624484/email:philipreyes08@yahoo.com)