Quimbo

Kongresista sa taga-Marikina: Subaybayan pagpapatupad ng mga proyektong infra

Mar Rodriguez Nov 9, 2026
10 Views

HINIHIKAYAT ni Marikina Rep. Miro Quimbo ang mga residente na subaybayan ang pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura na nagkakahalaga ng P742.32 milyon.

Binigyang-diin ni Quimbo na mahalaga ang pakikilahok at pagbabantay ng publiko upang matiyak na maayos ang pagkakagawa ng mga proyekto at maiwasan ang mga substandard na imprastraktura at tinatawag na “ghost projects.”

“Mahalaga sa akin na alam ninyo kung saan nakalaan ang pondo para sa mga proyekto sa ating distrito. Karapatan ninyong malaman at masuri ang mga ito,” pahayag ni Quimbo.

Nais niyang makiisa ang mga residente sa pagbabantay upang matiyak na tama at maayos ang pagpapatupad ng bawat proyekto.

Upang maisakatuparan ang kanyang layunin, inilathala ni Quimbo sa online platform ang listahan ng mga panukalang proyekto para sa 2027, kasama ang nakalaang halaga at pahina kung saan makikita ang mga ito sa House General Appropriations Bill.

Kabilang sa malalaking proyektong nakapaloob sa panukala ang P32.493 milyon para sa konstruksyon ng Bayabas Pumping Station sa Barangay Nangka; P45 milyon para sa 2 yugto ng rehabilitasyon ng Champaca 1 Creek sa Barangay Fortune; P215 milyon sa tatlong proyekto para sa pagpapabuti ng Tumana Creek; P22 milyon para sa rehabilitasyon ng Park 23 Creek sa Barangay Marikina Heights; at P44.826 milyon na mga proyekto para sa pagpapabuti ng Balanti Creek sa Barangay Concepcion Dos.

Binigyang-diin ng mambabatas na tungkulin ng mga kinatawan sa pamahalaan na tiyaking alam ng kanilang mga nasasakupan kung saan napupunta ang buwis na kanilang ibinabayad.

“Ginagawa natin ito dahil tungkulin natin ito at dahil karapatan ng ating mga nasasakupan na malaman kung saan napupunta ang kanilang mga buwis,” ani Quimbo.

Sa pamamagitan ng mas bukas na impormasyon at aktibong pakikilahok ng publiko, inaasahang mas mapapalakas ang transparency, pananagutan at wastong paggamit ng pondo ng bayan para sa pagpapaunlad ng Marikina 2nd district.