Gatchalian

LGUs pinatitiyak tubig, gamot para sa mga bata

9 Views

HINIMOK ni Senate President Sherwin Gatchalian ang mga local government unit (LGU) na tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng malinis na inuming tubig at sapat na sanitation facilities sa mga paaralan at komunidad upang maprotektahan ang mga bata sa epekto ng El Niño.

Ginawa ni Gatchalian ang panawagan sa paggunita ng National Children’s Month ngayong Nobyembre.

Ayon sa lider ng Senado, kailangang makipag-ugnayan ang mga LGU sa Department of Health, Department of Education at mga water utility para rito.

Kabilang sa mga banta sa kalusugan ng mga bata na tinukoy niya ang mga sakit na dulot ng matinding init, dehydration, mga sakit na nakukuha sa maruming tubig at paglala ng malnutrisyon.

“Sa pagtugon natin sa banta ng El Niño, tiyakin nating maitataguyod ang kaligtasan, kalusugan, at kapakanan ng mga bata, lalo na’t kabilang sila sa mga higit na nanganganib sa masamang epekto nito,” ani Gatchalian.

Nanawagan din siya sa mga LGU na bantayan ang mga sakit na dulot ng init at tiyaking may sapat na oral rehydration supply, na pamalit sa nawawalang tubig sa katawan, at mahahalagang gamot.

Iginiit din ni Gatchalian na kailangan ng mga contingency measure upang hindi maantala ang mga feeding program.

Nauna na siyang nagbabala na maaaring magpalala ng learning loss, o pagkawala ng natutunan ng mga mag-aaral, ang malawakang suspensyon ng klase dahil sa matinding init. Sa halip, isinulong niya ang localized at granular na suspensyon ng klase upang mabawasan ang pagkaantala ng pag-aaral.