Tulfo

Tulfo pinasalamatan, pinuri NCDA sa lifetime validity ng unified PWD ID cards

12 Views

PINURI ni Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development Chairman Sen. Erwin Tulfo ang patakaran ng National Council on Disability Affairs (NCDA) na gawing lifetime validity ang Unified Persons with Disabilities (PWD) identification cards ng mga may permanenteng kapansansan.

Sa ilalim ng NCDA Administrative Order No. 001, Series of 2026, itinatatag ang isang digitally integrated at nationally recognized na identification system para sa mga kwalipikadong PWDs.

Layunin din ng nasabing bagong sistema na sawatahin na ang mga fake PWD IDs.

Nagpapasalamat si Sen. Erwin Tulfo sa NCDA sa pagbibigay pansin sa kanyang isinusulong na lifetime ng PWD IDs na Senate Bill No. 1405.

“Isang malaking hakbang ito na pagaanin ang pasanin ng mga kababayan nating PWDs dahil ang ibig sabihin ng lifetime validity, menos gastos sa pagkuha ng medical certificate tuwing magrerenew. Ibig sabihin din po nito, mababawasan yung pag-aasikaso ng mga PWDs na kadalasang pahirap sa kanila lalo na sa kanilang kondisyon,” ani Tulfo.

Pahayag pa ni Sen. Erwin, kapag naging batas na ang panukala niya, mapapalakas nito ang kasalukuyang Administrative Order NCDA

“Doble-kayod kami sa aming komite para masigurong tuloy-tuloy ang pagsasabatas ng lifetime validity ng PWD IDs,” ani Tulfo.

Sa alituntunin ng NCDA, ang mga PWDs na may ID na ay di na kailangang magsimulang uli sa proseso at kailangan na lang na mapaberipika ang kanilang mga disability certificates sa medical specialists.

Sa kabilang banda, ang mga bagong aplikante naman para sa Unified PWD ID ay dapat magpasa ng certificate of disability na pirmado ng isang lisensyadong medical specialist.