Testigo ng depensa ginisa sa trip sa China

42 Views

GINISA ng mga senator-judge si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin matapos hindi siya makapagbigay ng tiyak na sagot tungkol sa umano’y biyahe niya sa China noong Nobyembre 2025, dahilan upang kuwestiyunin ang kanyang kredibilidad bilang unang testigo ng depensa ni Vice President Sara Duterte.

Sa ika-40 araw ng impeachment trial nitong Lunes, binalaan ni Sen. Erwin Tulfo si Adalin na maaari siyang ma-contempt kung hindi niya seseryosohin ang kanyang testimonya, habang iminungkahi ni Sen. Vicente Sotto III na hingin sa Bureau of Immigration ang kanyang travel records.

Nagsimula ang pagtatanong nang usisain ni prosecution lawyer Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. kung kabilang si Adalin sa mga opisyal ng Davao City na nagtungo sa China sa isang biyaheng umano’y pinondohan ng Chinese consulate.

“Actually, hindi ko talaga ma-recall,” sagot ni Adalin.

Tinanong ni impeachment court Presiding Officer Francis Escudero kung ang biyahe mismo o ang petsa lamang ang hindi niya matandaan.

“Ah, siguro ang petsa, sir,” paglilinaw ng testigo.

Nang muling tanungin, sinabi ni Adalin na wala siyang dalang travel records at hindi niya kabisado ang lahat ng kanyang mga biyahe.

Kinuwestiyon ni Tolosa ang mga sagot ng testigo, na aniya ay mahalagang suriin upang matukoy ang kanyang kredibilidad.

Nakialam si Sotto at iminungkahing kunin ang opisyal na travel records ni Adalin upang malaman kung nagtungo nga siya sa China sa panahong tinukoy ng prosekusyon.

“If he doesn’t want to answer, we can always ask the Bureau of Immigration,” ani Sotto.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Erwin Tulfo sa paraan ng pagsagot ng testigo.

“Mr. Presiding Officer, para ho tayong niloloko ng testigo na ito,” pahayag ng senador.

“We’re serious here,” dagdag ni Tulfo, kasabay ng paalala na nasa ilalim ng panunumpa si Adalin at maaaring managot kung mapatutunayang nagsinungaling.

Kinumpirma rin ni Adalin na si Duterte, noong alkalde pa ng Davao City, ang nagtalaga sa kanya bilang city assessor noong 2017.

Gayunman, ang kanyang pagkakatalaga ay hindi awtomatikong nagpapatunay ng pagkiling o maling testimonya.

Iniharap si Adalin ng depensa upang ipaliwanag ang mga tax declaration at iba pang rekord ng ari-ariang nakapangalan sa asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio.

Naunang kinuwestiyon ng prosekusyon kung ang 379-square-meter property na binili ni Carpio sa halagang P6 milyon sa Matina Crossing, Davao City, noong Hulyo 2024 ay siya ring nakatala sa halagang P10 milyon sa 2024 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente.

Tinutulan ni Tolosa ang pagtatangkang patunayang ang ari-ariang sakop ng Transfer Certificate of Title No. 146-2024010775 ay siya ring nakasaad sa SALN dahil sa pagkakaiba ng acquisition value at iba pang detalye.

Nang magpakita ang prosekusyon ng larawan ng isang ari-arian, hindi matiyak ni Adalin kung iyon ang mismong property na tinutukoy ng titulo.

“I’m not quite sure, sir,” sagot niya.

Sa pagtatanong ni Sen. Bam Aquino, sinabi rin ni Adalin na walang isinagawang personal na inspeksiyon ang kanyang tanggapan sa pinagtatalunang ari-arian.

Iminungkahi ni Aquino ang pagsusumite ng karagdagang property records upang matulungan ang impeachment court sa pagsusuri ng mga dokumento.

Samantala, tumutol si defense lawyer Atty. Lindon Miguel Bacquel sa pagtatanong tungkol sa biyahe ni Adalin sa China dahil kinuwestiyon niya ang kaugnayan nito sa usapin ng SALN.

Hiniling din ng depensa na alisin sa rekord ang pahayag ni Tolosa na umiiwas umano ang testigo sa direktang pagsagot.

Iginiit ni Bacquel na iniharap si Adalin upang patunayang ang pinagtatalunang ari-arian ay naideklara na sa SALN ni Duterte.

Nauna nang inilarawan ng depensa ang alegasyong hindi naideklara ang property bilang “malicious and completely false.”

Ipinakita ni Adalin ang mga tax declaration at Administrative District Index Map na nagpapatunay na ang Matina Crossing at Barangay 74-A ay tumutukoy sa iisang lugar sa Davao City.

Tinanggap ng prosekusyon ang paglilinaw sa lokasyon ngunit nanatili ang pagtutol nito sa konklusyong iisa ang ari-ariang tinutukoy sa titulo at SALN.

Ayon sa depensa, kailangang suriin ang kabuuan ng mga opisyal na rekord bago magpasya kung may itinagong ari-arian.

Bahagi ang pagtatalo sa Article II ng impeachment complaint na tumatalakay sa mga alegasyon ng unexplained wealth laban kay Duterte.