Record ng iba pang ari-arian nina VP Sara asawa pinasusumite

121 Views

IPINAG-UTOS ni Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero ang pagsusumite ng mga rekord ng iba pang ari-arian kaugnay ni Vice President Sara Duterte at ng asawa niyang si Atty. Manases Carpio, at maaaring muling ipatawag ang mga testigo kung may mahalagang lalabas dito, ayon kay impeachment court spokesperson Atty. Regie Tongol nitong Lunes.

“So technically, he approved the request of Senator Bam Aquino and Senator Risa Hontiveros to produce those documents,” ani Tongol sa press briefing sa Senado. Inatasan din umano ni Escudero ang clerk of court na makipag-ugnayan para sa pagsusumite ng mga rekord. Hindi binanggit ni Tongol kung kailan ito isusumite.

Nag-ugat ito sa testimonya ni Davao City Assessor Engr. Jaime G. Adalin, ang unang testigo ng depensa. Sinabi ni Adalin kay Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino na hindi na niya sinuri ang iba pang ari-arian sa Barangay 74-A dahil tinukoy na sa subpoena ang titulong nagtatapos sa 0775. Ayon kay Tongol, hiniling ni Aquino ang opisyal na pagsusumite ng mga rekord upang mapagtugma ang bilang ng mga ari-arian, habang inatasan naman ni Hontiveros si Adalin na ipahanap at ipasumite sa records office ng lungsod ang lahat ng rekord ng ari-arian ni Carpio.

Tinanong si Tongol kung paano ito titingnan ng korte sakaling tawagin ng depensa na fishing expedition, o paghahanap ng ebidensya nang walang malinaw na batayan. Ipinaalala niya na inilaan ng korte ang posibilidad na muling ipatawag ang mga testigo noong inilalahad ng prosekusyon ang ebidensya nito. Maaari aniyang ganito rin ang gawin kung may substantial na lalabas sa mga rekord tungkol sa pagmamay-ari ng Bise Presidente at ng kanyang asawa.

Sinabi naman ni Escudero sa paglilitis na technical description ang nakasaad sa mga titulo habang pangalan lamang ng barangay ang nasa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). “So it will still be the same position that we will find ourselves in after we get the list,” aniya.

Inilahad din ni Tongol ang limang antas ng pag-access ng publiko sa mga exhibit ng prosekusyon sa ilalim ng utos ng korte noong Nobyembre 6. Una, ang mga exhibit na buong ilalabas sa website ng Senado. Ikalawa, ang mga ilalabas doon nang may redaction, o tinakpang sensitibong impormasyon. Ikatlo, ang mga maaari lamang tingnan sa ilalim ng superbisyon ng clerk of court.

Ikaapat ang mga selyado o hindi makikita ng publiko, kabilang ang may pribilehiyo o sensitibong impormasyon at ang mga nasa ilalim ng iniurong na Articles I, III at IV. Ikalima ang mga sasailalim sa hiwalay na protective order. Mananatili sa mga senator-judge at sa magkabilang panig ang kumpleto at walang redaction na kopya ng mga tinanggap na exhibit. Inatasan ang clerk of court na bumuo ng proseso para sa mga kahilingan ng publiko at sa pagkuwestiyon sa mga restriksyon. Hindi binanggit sa briefing kung aling exhibit ang napapabilang sa bawat antas.

Tungkol sa 30 araw na hiningi ng depensa noong pre-trial para sa paglalahad ng ebidensya, sinabi ni Tongol na “wala pa pong manifestation dyan.” Ayon sa kanya, sinabi na ng prosekusyon na dapat itong mabawasan nang naaayon dahil kumaunti na ang mga artikulong kailangang patunayan at sagutin. Hindi pa umano kumikilos ang magkabilang panig dahil unang araw pa lamang ng depensa.

Article II na lamang ng Articles of Impeachment ang natitirang paratang kay Duterte, na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth at hindi kumpletong deklarasyon ng ari-arian. Iginigiit ng depensa na idineklara ang ari-arian sa Matina Crossing.

Pinaalis sa witness stand si Adalin alas-2:40 ng hapon. Magpapatuloy ang paglilitis ngayong Martes, Nobyembre 10, alas-10 ng umaga, sa pagharap ni Island Garden City of Samal Assessor Engr. John Kenneth Enumerables. Ayon kay Tongol, halos pareho ang layunin ng kanyang testimonya, na maipakitang idineklara ang mga ari-ariang sinasabi ng prosekusyon na wala sa SALN.