Calendar
Scammer nangunguha ng pera, pabor gamit pangalan ng VM
LIMAY, Bataan–Ginagamit ng mga scammer ang pangalan ni Vice Mayor Grace David, maybahay ni Mayor Ritchie Jason David, upang makakuha ng pera at pabor.
Nanawagan sa publiko si Mayor Richie David na huwag maniwala sa mga nangangakong mabibigyan sila ng pabor o proyekto ng mga scammer na gumagamit ng pangalan ni Vice mayor David.
“Sa panahon ngayon, hindi lahat ng larawan, balita at dokumento ay totoo, at hindi lahat ng gumagamit ng aming pangalan ay may mabuting hangarin.
May mga scammer na gumagamit ng fake accounts namin ni Vice Grace, AI, edited pictures, pekeng dokumento at mga kuwentong hindi totoo upang manlinlang at makakuha ng pera o pabor,” ani Mayor David.
Ang Limay ang pinakamayaman na munisipalidad sa boung bansa.
Nanawagan si Mayor David na maging “mapanuri at huwag basta magtiwala.
“Iisa lamang ang aking official Facebook Page, at ang 1Limay Page ang opisyal na pahina ng ating pamahalaang bayan. Bukas din ang aking Viber, Messenger at tanggapan para sa beripikasyon.
Ayokong may mawalan ng perang pinaghirapan, ari ariang pinag-ipunan o reputasyong matagal na pinangalagaan.
Ang pera ay maaaring kitain muli, ngunit ang tiwala, dangal at mabuting pangalan ay hindi madaling maibalik. Ito ang pinakamahalagang pamana na nais kong iwan sa ating bayan at mga ka pamilya.”
Nagbabala si Mayor David sa mga nanlilinlang at sinabing “maaaring maitago ang kasinungalingan, ngunit hindi habang panahon.”
May batas, pananagutan at hustisya. Sa tulong ng makabagong teknolohiya, maaari ring matunton at mapanagot ang mga gumagawa ng panloloko.
Gaano man kabigat ang pagsubok sa buhay, pinansyal man o personal, hindi solusyon ang pagnanakaw, panloloko at panlalamang sa kapwa,” sabi ng opisyal.
