Talisay

PH handa nang makipagsabayan sa AI, makabagong teknolohiya — Talisayon

41 Views

Talisay1SUNNYVALE, CALIFORNIA — Handa nang makipagsabayan ang Pilipinas sa Artificial Intelligence (AI) at makabagong teknolohiya, ayon kay Konsul Heneral Arnel Talisayon sa ginanap na roundtable discussion na pinamagatang “Globalizing AI in Asia: From Innovation to Impact” sa Plug and Play Tech Center sa Silicon Valley.

Sa pagtitipon na bahagi ng Plug and Play Silicon Valley November Summit, nakasalamuha ni Talisayon ang mga foreign diplomats at leaders mula sa India, Indonesia, Japan, Mongolia, Republic of Korea, Vietnam, at Taipei Economic and Cultural Office.

Inihayag niya na umaangat na ang potensyal nito sa paglago dahil sa tagumpay ng mga sumisikat na fintech companies tulad ng Salmon, BillEase, UNO Digital Bank at Cashalo.

Binanggit rin ng Konsul Heneral ang matinding digital shift sa bansa kung saan higit kalahati ng adult population sa Pilipinas ay babad na sa paggamit ng GCash at ang transisyon ng mga Pinoy IT and Business Process Management workers na direktang sumusulong na ngayon sa AI-powered services.

Magandang oportunidad din ang paghawak ng Pilipinas sa Tagapangulo ng ASEAN ngayong 2026 kasabay ng itinutulak na Digital Economy Framework Agreement.

Suportado naman ni Saeed Amidi, founder at CEO ng Plug and Play, ang nasabing hakbang at nagpahayag ng interes na magtayo ng mga “AI Center of Excellence” sa Asya sa pakikipagtulungan sa mga gobyerno, unibersidad, at malalaking korporasyon.

Hinimok din nito ang Fil-Am diaspora community sa Silicon Valley na magbalik-lingkod at mamuhunan sa mga startup sa sarili nilang bayan.