Calendar
Senator-Judge Raffy Tulfo
Kaugnayan ni Bajan sa external auditor ng GenCorp. inusisa

JOSEPH MUEGO
INUSISA ng prosekusyon ang dating kaugnayan ni Davao City Accountant Vingelin Bajan sa isang accounting firm na lumabas umanong external auditor ng GenCorp Industries Inc., ang kumpanyang idineklara ni Vice President Sara Duterte bilang business interest sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Sa ika-41 araw ng impeachment trial nitong Martes, tinanong ni private prosecutor Atty. Mae Divinagracia si Bajan tungkol sa accounting firm na Elises & Ciudadano.
Iniharap niya ang General Information Sheets ng GenCorp, Metro City Chow Foods Corp., Great Jolly Times at iba pang kumpanya na nagpapakitang ang naturang firm umano ang external auditor ng mga ito.
Sagot ni Bajan, hindi na niya maalala kung ito ang parehong accounting firm na tinutukoy ng prosekusyon.
Kinumpirma ng testigo na hindi na siya bahagi ng firm. Kinilala rin niya ang affidavit of withdrawal noong Agosto 2015 na iniharap ni Senator-Judge Joel Villanueva. Pero hindi raw niya maalala kung naghain ang firm ng amended articles of partnership para alisin ang kanyang pangalan.
Ilang ulit na natagalan sa pagsagot si Bajan, kabilang ang pagkumpirma kung kanya ang pirmang nasa mga dokumento ng partnership.
“Baka ma-contempt ka, sana huwag. Kami, napipikon na. You’ve been very evasive to a very simple question,” ani Senator-Judge Raffy Tulfo.
Inusisa naman ni Senator-Judge Erwin Tulfo kung si Bajan ang nagproseso ng mga bayad ng Davao City government sa GenCorp at sa Prime Bistro. Hindi matukoy ng testigo ang mga partikular na resibong may kaugnayan sa mga naturang transaksyon.
Kinumpirma ni Bajan na si Duterte, noong alkalde pa ng Davao City, ang nagtalaga sa kanya bilang city accountant noong 2016. Itinalaga rin daw siya ni Duterte bilang chairperson ng City Audit at Transition Teams para sa mga barangay noong 2018, at bilang miyembro ng Investigating Committee ng lungsod noong 2020.
Sa mga naunang pagdinig, iniharap ng House prosecutors ang mga rekord na nagpapakitang nakakuha umano ang GenCorp ng 49 na kontrata sa gobyerno na nagkakahalaga ng mahigit P35.8 milyon habang Bise Presidente si Duterte.
Kinuwestiyon din ng prosekusyon ang pagdeklara ni Duterte ng business interest sa GenCorp sa kanyang SALN, gayong hindi siya nakalista bilang stockholder o director sa mga corporate record na iniharap sa korte.
Naging usapin din ang P64,194.72 na natanggap ni Duterte mula sa Davao City government noong Enero 2023, matapos siyang maupo bilang Bise Presidente.
Ayon kay Bajan, salary differential ito para sa 2020 at 2021, nang alkalde pa si Duterte, bunga ng Salary Standardization Law noong 2019. Disyembre 30, 2022 ang petsa ng disbursement voucher, pero Enero 2023 na nailabas ang bayad dahil noon lang daw nakumpleto ang mga dokumento.
Nilinaw ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na inihanda ang voucher noong 2022 para sa salary differential ng 2020 at 2021, bago ito nabayaran noong 2023. Kinumpirma ito ni defense counsel Atty. Lindon Bacquel.
Pero sa cross-examination, inamin ni Bajan na hindi nakasaad sa 2023 tax form na pinirmahan niya na salary differential ang bayad.
Ayon kay Raffy Tulfo, dapat sana ay hinintay na lang ang pagtatapos ng termino ni Duterte sa 2028 bago ibinigay ang pera dahil sa isyu ng double compensation.
Iginiit ng depensa na bayad ito sa naunang serbisyo ni Duterte bilang alkalde, at hindi sa trabaho niya bilang Bise Presidente.
Walang inilabas na contempt order laban kay Bajan.

