Calendar
Ang Zamboanga City Police Office (ZCPO), sa ilalim ng pangangasiwa ni PBGen. Elmer E. Ragay, Regional Director ng PRO-9, ay nagsagawa ng case conference at binuo ang Special Investigation Task Group (SITG) kasunod ng insidente ng pamamaril na kinasangkutan ni Regional Trial Court Judge Joseph Wee Sit sa kahabaan ng Tumaga-Putik Road, Barangay Tumaga, Zamboanga City noong Nobyembre 12, 2026.
Source: PNP Zamboanga City Police Office
HUKOM SA BASILAN, PINASLANG SA AMBUSH SA ZAMBOANGA CITY
PINAGBABARIL hanggang sa mapatay ng hindi pa nakikilalang mga armadong lalaki na sakay ng motorsiklo ang isang hukom mula sa Basilan sa pananambang sa Zamboanga City nitong madaling-araw ng Huwebes bago tumakas ang mga suspek, ayon sa pulisya.
Nagmamaneho si Judge Joseph Wee Sit ng Regional Trial Court Branch 2 sa Isabela City, Basilan, nang pagbabarilin siya nang walang anumang provokasyon ng mga salarin sa Barangay Tumaga dakong alas-5:25 ng umaga nitong Huwebes.
Isinugod ang biktima sa isang lokal na ospital ngunit idineklara siyang patay ng attending physician pagdating pa lamang doon.
Ayon sa Police Regional Office 9 (PRO-9), nagpapatuloy ang imbestigasyon hanggang sa pagsulat ng balitang ito upang matukoy ang mga salarin at malaman ang motibo sa likod ng pag-atake.
Agad na binuo ni PRO-9 Director Brigadier General Elmer E. Ragay ang isang Special Investigation Task Group upang matiyak ang mabilis at masusing imbestigasyon sa insidente, matukoy ang mga responsable at maiharap sila sa hustisya.
Sinabi ng opisyal na matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen, agad na rumesponde sa pinangyarihan ang mga tauhan ng Zamboanga City Police Station 7 at isinugod ang biktima sa ospital, kung saan idineklara itong patay makalipas ang isang oras.
yon kay Brig. Gen. Ragay, agad na nagsagawa ng dragnet operations ang lokal na pulisya at nagpalabas ng flash alarm sa mga kalapit na police unit at himpilan upang maharang ang mga suspek.
Inilarawan ang mga ito bilang ang drayber na nakasuot ng puting T-shirt at ang angkas na nakasuot ng hooded jacket.
Nagtamo ang biktima ng tatlong tama ng bala sa tiyan at tatlo naman sa bahagi ng dibdib.
Narekober ng mga forensic investigator ang walong basyo ng bala ng kalibre .45 sa pinangyarihan ng krimen. Nagsasagawa rin ang mga imbestigador ng pagsusuri sa mga kuha ng lahat ng available na CCTV camera sa lugar, kabilang ang pagtalunton sa mga pangyayari bago at pagkatapos ng pamamaril, hanggang sa pagsulat ng balitang ito.
“Sinusuri namin ang lahat ng posibleng motibo sa likod ng pamamaslang. Maaaring may kaugnayan ito sa trabaho, personal na dahilan o negosyo. Ngunit dahil hukom ang biktima, tinitingnan din namin ang posibilidad na isa sa mga kasong hinahawakan niya ang maaaring dahilan ng kanyang pagpatay,” pahayag ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Brig. Gen. Allen Rae F. Co.

