Madrona

House Committee on Tourism umaasang makikinabang PH turismo sa panghihikayat ni PBBM sa mga investors sa WEF na magnegosyo sa Pilipinas

Mar Rodriguez Jan 21, 2023
251 Views

UMAASA ang House Committee on Tourism na mapasama ang Philippine tourism sa mga makikinabang sa panghihikayat ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa mga “foreign investors” na dumalo sa World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland para maglagak ng puhunan o magtayo ng negosyo sa Pilipinas.

Sinabi ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na malaking kaginhawahan para sa turismo ng Pilipinas kung mapapasama ito sa mga makikinabang sakaling magtayo ng negosyo sa bansa ang mga foreign investors.

Ipinaliwanag ni Madrona na maituturing na isang “domino effect” para sa turismo ng bansa sa oras na maglagak ng puhunan o magtayo ng negosyo ang mga “foreign businessman” dito sa bansa. Dahil siguradong dadagsa din ang mga dayuhan na bibisita sa Pilipinas.

Binigyang diin ni Madrona bukod sa malaking oportunidad na naghihintay para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maraming trabaho. Malaking oportunidad din aniya ito para naman sa naghihingalong turismo ng bansa dahil sa pagpasok ng mga dayuhan.

Ikinatutwiran ng kongresista na malaking bagay ang ipinakitang “effort” ni Pangulong Marcos, Jr. sa WEF matapos hikayatin ang mga dayuhang negosyante dahil maaaring mapasama sa mga makikinabang dito ay ang tuluyang pagbangon ng Philippine tourism.

Sinabi ni Madrona na bagama’t umiiral na ang tinatawag na “new normal” sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic. Subalit hindi pa aniya masasabi na tuluyan ng nakaka-recover ang turismo ng Pilipinas dahil may mga tao na takot parin ang lumabas at mamasyal dahil sa pandemiya.

Nauna rito, ipinahayag ni House Speaker Ferdiand Martin Gomez Romualdez na “todo effort” ang Pangulo WEF dahil sa pagsisikap nitong makahikayat ng napakaraming “foreign investors” upang maglagak ng puhunan at magtayo ng negosyo sa Pilipinas.

Dahil dito, hinangaan ni Madrona ang ipinamalas na pagsisikap at malasakit ng Pangulong Marcos, Jr. dahil sa kagustuhan nitong mapabuti ang kalagayan ng bansa sa larangan ng ekonomiya. Kung saan, muli niyang iginiit na nawa’y mapasama na rin dito ang turismo ng Pilipinas.