Tugade

Renewal ng rehistro puwede nang online—LTO

Jun I Legaspi Feb 16, 2023
432 Views

MAAARI ng makapag-renew ng rehistro ng sasakyan online gamit ang Land Transportation Management System (LTMS), ang online portal ng Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo Tugade na simula ngayong araw, Pebrero 15, ay maaari nang makapagpa-renew ng rehistro ng sasakyan nang hindi kailangang pumila sa mga district office ng ahensya.

Ang LTMS din ang ginagamit sa pagsusumite ng aplikasyon para makapag- renew ng lisensya sa pagmamaneho.

Upang makapag-renew ay kailangan gumawa ng account sa LTMS upang maisagawa ang transaksyon.

Nilinaw naman ng LTO na tanging ang mga makakapag-renew online ay ang mga mayroon nang rekord ng motor vehicle registration renewal sa LTMS.

Kung wala pa sa LTMS ang detalye ng rehistro ng sasakyan, maaaring magtungo sa kahit saang LTO district office upang mismong ang mga tauhan na ng ahensya ang magpasok nito sa portal.

Ipinaalala naman ni Tugade na bago mag-renew ng rehistro ng sasakyan online, kailangan munang kumuha ng Certificate of Coverage (COC) o insurance na pinili ng may-ari ng sasakyan; at naisalang na sa inspeksyon ng Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC).

“Both the validated insurance and the motor vehicle inspection report (MVIR) will be electronically sent to the LTMS,” sabi ni Tugade.

Sinabi ni Tugade na hindi kailangang tapusin lang ng isang araw ang proseso ng pagpaparehistro.

“If your plate number ends with 3, you have the whole month to get your choice of insurance coverage, have your vehicle inspected in any PMVIC near you, and access the LTMS portal for the online renewal. There’s no need for vehicle owners to spend a whole day renewing the registration of their vehicles,” paliwanag pa ni Tugade.