Tulfo

Tulfo, gustong paimbestigahan ang mabagal na pagproseso ng SSS retirement claims

190 Views

NAGPAPATAWAG ng imbestigasyon sa Senado si Senator Idol Raffy Tulfo hinggil sa napaulat na reklamo ng mga miyembro ng Social Security System (SSS) sa mabagal na pagproseso ng kanilang mga benepisyo, partikular ang kanilang retirement claims.

Sa paghahain ng Senate Resolution (SR) No. 544, iginiit ni Tulfo na ang pagkaantala sa pagproseso ng mga claim ay perwisyo sa mga retirees, lalo pa sa mga umaasa sa kanilang mga benepisyo para pangtustos sa pangaraw-araw na gastusin.

“It is the responsibility of the Senate to ensure that government agencies such as the SSS are efficient in providing services to the public, especially to its members who have contributed to the system,” nakalagay sa resolusyon.

Ang SSS ay inaasahang magbigay ng proteksyon sa mga Pilipino at tulungan silang maghanda para sa hinaharap sa pamamagitan ng mga kontribusyon at benepisyo.

Sinabi ni Tulfo na dapat alamin ang mga dahilan ng pagkaantala sa pagproseso ng mga claim at ang mga hakbang na ginagawa ng SSS upang matugunan ang mga isyung ito.

Binanggit niya na dapat ding malaman sa magaganap na imbestigasyon ang mga posibleng reporma na maaaring ipatupad upang mapabilis ang pag-claim ng mga benepisyo, tulad ng paggamit ng digital technology.

Dagdag niya, dapat ding isama sa inquiry ang pangangailangan para sa karagdagang pondo at manpower para suportahan ang SSS sa pagproseso ng mga claims at ang posibleng pagtatatag ng monitoring system para sa mga claim.