Calendar
Abante: Kakampi ng manggagawa Kamara
MARIING kinondena ng Kamara de Representantes, sa pamamagitan ng opisyal nitong tagapagsalita na si Atty. Princess Abante, ang hindi pakikipag-kooperasyon ng Senado sa pagbuo ng bicameral conference committee para sa panukalang batas ukol sa dagdag-sahod.
Ayon kay Abante, sinadya ng Senado na hindi ituloy ang bicam, dahilan para tuluyang mamatay ang ₱200 wage hike bill sa huling gabi ng sesyon ng ika-19 na Kongreso.
“Let’s not sugarcoat it — the Senate killed the ₱200 wage hike bill,” ani Abante.
Ibinunyag niyang hindi man lang tinangkang kausapin ng Senado ang mga kinatawan ng Kamara upang mapagkasunduan ang dalawang magkaibang bersyon ng panukala. Aniya, nais lamang ng Senado na tanggapin nang buo ang mas mababang ₱100 dagdag-sahod na kanilang bersyon.
Nagulat umano ang mga miyembro ng bicam panel ng Kamara sa hindi pag-usad ng usapan, lalo’t handa naman silang makipagpulong at ipaglaban ang ₱200 wage hike. “Tumaas ang kilay ng bicam conferees namin… only to find out the Senate had no intention of meeting at all,” dagdag ni Abante.
Ipinasa na ng Kamara sa ikatlong pagbasa ang bersyong ₱200, na aniya’y may kalakip na mga probisyon para sa proteksyon ng MSMEs upang hindi ito maging pabigat sa maliliit na negosyo. Sa kabila nito, hindi umano nagpakita ng sinserong pakikipagdayalogo ang Senado.
“Wala silang balak makipag-usap. Gusto nila, sunod lang kami. That’s not how democracy works,” giit ni Abante.
Binigyang-diin niya na hindi pagkukulang ng Kamara ang pagkabigo ng panukala, kundi kawalan ng aksyon ng Senado. “Ginawa namin ang trabaho namin. Pero ang Senado, iniwan sa ere ang manggagawa.”
Sa pagtatapos, tiniyak ni Atty. Abante na hindi dito magtatapos ang laban:
“Hindi barya ang kailangan ng manggagawa. Ang kailangan nila—sahod na makatao, sahod na makatarungan.Kakampi ng manggagawa ang Kamara. At hindi kami titigil sa paglaban.”

