Dy: Bagong henerasyon ng mga kongresista ang nagbangon sa lumang imahe ng Kamara

Mar Rodriguez Apr 12, 2023
200 Views

NANINIWALA ang isang Northern Luzon congressman na nakabangon na ang Kamara de Representantes mula sa lumang imahe nito bilang pugad ng mga binansagang “Traditional Politician” o mas kilala bilang TRAPO dahil sa magandang pamumuno ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez.

Ipinaliwanag ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Congressman Faustino “Inno” A. Dy V na ang bagong henerasyon ng mga kongresista na ang karamihan ay anak at apo ng mga dating mambabatas ang siyang nagpabangon sa dating imahe ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sinabi ni Dy na kung nuong araw ay kilalang-kilala ang Kamara de Representantes bilang pugad ng mga TRAPO dahil sa mga matatandang politiko. Subalit ngayon naman ay bagong henerasyon ng mga mababatas ang bumubuo ng 19th Congress sa ilalim ng liderato ni Speaker Romualdez.

Ayon kay Dy, ang mga kasalukuyang miyembro ng Kongreso ay matatawag na idealistic at mayroong pinaninindigang adbokasiya sa isang partikular na usaping pang-bayan. Kung kaya’t masiglang-masigla ngayon ang mga talakayan sa Mababang Kapulungan malayo sa dating imahe nito.

Idinagdag pa ni Dy na ang ilan sa kaniyang mga kasamahan ay mga bata pa at bagong breed ng mga politiko dahil ang kanilang prayoridad ay ang kapakanan ng taongbayan. Kaya maaaring isa ito sa mga dahilan kung bakit mabangong-mabango ngayon ang imahe ng Kongreso sa publiko.

Sinabi pa ng mambabatas na ang magandang rating na nakuha ng Kongreso alinsunod sa inilabas na survey ng Social Weather Station (SWS) ay isang malinaw na testamento at indikasyon na bumalik na ang respeto at tiwala ng mamamayang Pilipino sa mga kongresista.

Binigyang diin ni Dy na ipinapakita lamang aniya ng SWS survey na seryoso ang 19th Congress sa ilalim ng liderato ni Speaker Romualdez na gagagampanan ng mga kongresista ang kanilang tungkulin para makatulong sa mamamayan kabilang na ang pagpasa ng mga mahahalagang panukalang batas.