Sara

Mayor Inday: Caloocan hindi maiiwan

250 Views

TINIYAK ni vice presidential candidate Sara Duterte na hindi maiiwan ang mga taga-Caloocan sa pag-unlad ng ekonomiya kapag siya at ang katambal na si presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang mananalo sa paparating na halalan.

“Ang dala ko ay ang… turo ng aking mga magulang sa pagtatrabaho doon sa Davao City, na sa pagtatrabaho ko, pagsisilbi ko sa ating bayan, dapat pantay- pantay ang lahat, walang mahirap walang mayaman,” sabi ni Duterte sa campaign rally ng UniTeam sa Caloocan City.

Siniguro ni Duterte na ipagpapatuloy ng BBM-Sara tandem ang mga programa laban sa ipinagbabawal na gamot at ang Build, Build, Build program ng administrasyon ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte.

Binigyan-diin din ni Duterte ang kahalagahan na magkaisa upang maabot ang pinapangarap na kaunlaran at agad na makabangon mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

“Bakit po UniTeam ni Bongbong Marcos at Sara Duterte? Kasi po, gusto namin lagyan ng mukha ang kasabihan na ‘in unity, there is strength.’ Gusto naming ipakita na malakas ang Pilipinas dahil nagkakaisa tayong lahat,” dagdag pa ni Duterte.

Umapela rin si Duterte sa mga taga-Caloocan na iboto rin ang senatorial slate ng UniTeam na kakailanganin umano nila upang maipasa ang mga batas na kailangan ng kanilang administrasyon sa pamumuno sa bansa.

“Ipinapakiusap namin sa inyo na tulungan natin sila na ilagay sa Senado. Lahat silang nagsasabi, meron silang lakas na tumulong para sa ating bansa,” wika pa ni Duterte.30