Malapitan

Caloocan suporta sa BBM-Sara UniTeam

515 Views

NAGDEKLARA na ng kanyang pagsuporta si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan kina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte.

Ayon kay Malapitan isang kasaysayan ang naiukit kagabi sa pagdagsa ng mga taga-Caloocan sa campaign rally upang ipakita ang kanilang suporta kina Marcos at Duterte.

“Alam niyo ngayong araw na ito, gumawa tayo ng kasaysayan sa Caloocan. Maghapon kaming nag motorcade ng team Bongbong-Sara at ng mga senador, halos kalahati ng ating residente sa Caloocan ay naglabasan, ipinakita ang kanilang mainit na (pag)tanggap sa team,” sabi ni Malapitan.

Ayon kay Malapitan nasa 30 taon na siyang naglilingkod sa Caloocan at kagabi niya nakita ang pinakamaraming tao na nagsama-sama para ipakita ang kanilang suporta sa BBM-Sara UniTeam.

Nanawagan si Malapitan sa mga residente na iboto ang mga kandidato ng UniTeam sa paparating na eleksyon.

“Kagaya sa local, ang hinihingi naming vote straight, kailangan sa mga senador din nila, vote straight rin tayo ha,” dagdag pa ni Malapitan.

Kung pagbabatayan umano ang dami ng tao na nagpakita ng suporta kina Marcos at Duterte ay masasabi na tapos na ang eleksyon.

“Etong gabi na ‘to, nagpapakita na tapos na raw ang eleksyon. Tapos na ba ang eleksyon? Tapos na. Mag aantay na lang ng proklamasyon,” wika pa ng alkalde.