BBM1

PBBM sa DILG: Hanapan ng mapapangisdaan apektado ng oil spill

183 Views

INUTUSAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na makipag-usap sa mga lokal na pamahalaan upang magkaroon ng mapapangisdaan ang mga naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.

Sinabihan ni Pangulong Marcos si DILG Sec. Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na makipag-usap sa mga lokal na pamahalaan sa Calabarzon at Mimaropa.

Maaari umanong maging alternatibong pangisdaan ng mga taga-Mindoro ang Mindoro Strait sa Mindoro Oriental; Cuyo Pass sa Batangas; Tablas Strait sa Romblon at Tayabas Bay sa Quezon.

Tiniyak din ni Pangulong Marcos na patuloy ang ginagawang pagbabantay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), na attached agency ng Department of Agriculture (DA), at Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa sitwasyon.

“DENR will continue to monitor the situation. BFAR will continue to monitor the situation. As soon as maging — ma-clear na, makabalik na tayo sa dating normal, back to the old normal, papunta na sa new normal,” ani Pangulong Marcos.

Sinabi rin ng Pangulo na magpapatuloy ang clean-up drive operation sa pangunguna ng Philippine Coast Guard.

“The immediate danger, the immediate situation has already been attended to. At kailangan na ngayon ay tama naman ‘yung sinasabi ninyo, take advantage na tayo. Lagyan nga natin ng bagong water system, bagong livelihood na pwedeng gawin,” dagdag pa ng Pangulo.

“At pagka dumating ang araw na okay na, na pwedeng gamitin ‘yung — pwedeng mangisda, pwede ng bumalik ‘yung mga mangingisda, pero may bagong livelihood na ginagawa,” sabi pa ng Pangulo.

Ang livelihood program ay kasama umano sa five-year recovery plan ng gobyerno sa lalawigan.