Lee

Mga sangkot sa onion cartel dapat barilin na sa Luneta, pabirong pahayag ni AGRi-Party List Cong. Wilbert Lee

Mar Rodriguez May 24, 2023
235 Views

KUNG ako lang talaga ang masusunod babarilin ko na lang ng diretso sa Luneta yang mga nasa likod ng onion cartel na iyan, ano pang sampa, sampa ng kaso laban sa kanila? Diretso na barilin na sila”.

Ito ang pabirong ipinahayag ni AGRI-Party List Congressman Wilbert T. Lee. Gayunman, tuwiran nitong sinabi na nakakapagod na ang paulit-ulit na kaso ng “onion cartel” sa bansa kung saan wala naman talagang napapanagot sa mga nasasangkot sa nasabing modus.

Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Lee na halos naka-siyam na hearing na ang House Committee on Agriculture and Food subalit paulit-ulit lamang umano ang issue sapagkat parehong mga tao at grupo din ang mga itinuturong nasa likod ng onion cartel.

Ipinaliwanag ni Lee na bagama’t mayroong umiiral na batas kaugnay sa agricultural smuggling sa ilalim ng Republic Act No. 1045 (Anti-Agricultural Smuggling Act) subalit aminado ang mambabatas na kulang na kulang ang ngipin nito para tuluyang maparusahan ang mga taong sangkot sa agricultural smuggling.

“Alam mo paulit-ulit na lang iyan eh since 2014 na hearing natin. Ngayon naka siyam na hearing na tayo, same people, same group. Ito nga ang irony niyan, mayroon tayong batas yung anti-agricultural smuggling o Republic Act 1045 ang problema natin wala naman nakakasuhan sa kanila,” sabi ni Lee.

Ayon kay Lee, hindi umano kasama sa mga nakakasuhan sa ilalim ng RA No. 10845 ang mga sangkot o kasabwat sa agricultural smuggling kung kaya’t hindi aniya nakakapagtaka na nadi-dismiss ng Korte ang kaso laban sa mga ito o yung itinuturong kasapakat ng sindikato.

Binigyang diin ng mambabatas na ang ilan sa mga dahilan kung bakit nababasura lamang ang mga kasong isinasampa laban sa mga sangkot sa agricultural smuggling ay ang kakulangan ng ebidensiya, walang probable cause at walang dokumento dahil narin umano sa kagagawan ng mga kasabwat sa nasabing modus.

“So nagsampa ng kaso pero nadi-dismiss bakit? Kulang sa ebidensiya, kulang ang dokumento, walang probable cause. Kasi may kasabwat ang mga sindikato ng onion cartel, sinasadyang mawalan ng ebidensiya, sinasadyang mawalan ng mga dokumento kaya walang nangyayari,” sabi pa ni Lee sa panayam ng People’s Taliba.

Dahil dito, sinabi pa ng AGRI-Party List solon na naghain na siya ng panukalang batas para magkaroon ng amendments sa RA No. 10845 sa ilalim ng House Bill No. 5742 na naglalayong maisama sa mga mapaparusahan o mape-penalize ang mga taong mapapatunayang kasabawat ng mga nasa likod ng cartel kabilang na dito ang price manipulators at hoarders.

“Lahat ng kasabwat kasama diyan. Kung mapatunayan na kasama ka sa agricultural smuggling onion cartel man iyan kasama ka sa mga makakasuhan. Nag-file tayo ng House Bill bilang amendment dito sa RA No. 10845, ang layunin natin ay madgadgan ang ngipin laban sa agricultural smuggling,” sabi pa ni Lee.