Magsino

OFW Party List Group pinasalamatan si PBBM

Mar Rodriguez Jun 25, 2023
147 Views

Matapos maabsuwelto 3 death convict na OFWs sa UAE

PINASALAMATAN ng OFW Party List Group si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos umapela ang Punong Ehekutibo sa gobyerno ng United Arab Emirates (UAE) para mabigyan ng pardon ang tatlong Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakasalang na sa parusang kamatayan.

Ipinaabot din ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang kaniyang taos puso at marubdob na pasasalamat para sa lahat ng tumulong na at ginawa ang lahat ng paraan upang mabigyan ng pardon ang tatlong OFWs kung saan dalawa dito ang mayroon ng death sentence.

“I’d like to thank President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. for his plea on behalf of our three countrymen who have been pardoned. Their families are already concerned but our President has given them new hope,” Ayon kay Magsino.

Sinabi ni Magsino na ang ipinakitang pagsisikap at pagiging masigasig ni Pangulong Marcos, Jr. sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan nito sa pamahalaan ng UAE ang bumuhay sa pag-asa ng pamilya ng tatlong OFWs na matagal ng nangangamba dahil nasa bingit ng kamatayan ang kanilang buhay.

Binigyang diin ng OFW Party List Lady solon na ang kaso ng tatlong OFWs sa UAE ay isang malinaw na indikasyon na hindi nilulubayan ng kanilang grupo ang kaso ng mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat na nahaharap sa kahalintulad na sitwasyon o yung mga nakasalang sa “death row”.

Ipinaliwanag din ni Magsino na hindi humihinto ang OFW Party List Group sa pagkakaloob ng serbisyo para sa mga OFWs sa pamamagitan ng pagbibigay ng legal services kabilang na ang pagbibigay ng assistance para sa mga Pilipinong nasentensiyahan ng parusang kamatayan.

“Ang kasong ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng ating pagpupursige na patuloy na bantayan ang kapakanan ng mga kababayan natin na nasa death row sa mga bansang pinagta-trabahuhan nila,” Sabi pa ni Magsino.