Calendar
Valeriano sang-ayon sa hakbang ng Kongreso vs agri smuggling
SINANG-AYUNAN ng isang Manila Congressman at Chairman ng House Committee on Metro Manila Development ang hakbang na gawin ng liderato ng Kongreso patungkol sa napipintong pagpasa at pag-apruba sa mga panukalang batas na sasawata sa talamak na agricultural smuggling sa bansa.
Binigyang diin ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano, Chairperson ng Komite, na kung hindi kayang pigilan ng mga awtoridad ang mga nasa likod ng laganap na agricultural smuggling sa bansa. Ang Kongreso umano ang dudurog sa sindikato na walang habas na nagmamani-ubra sa presyo ng mga agricultural products katulad ng sibuyas.
Sinabi ni Valeriano na suportado nito ang pahayag ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na tututukan ng liderato ng Kamara de Representantes ang mga panukalang batas na makakatulong sa kampanya ng pamahalaan laban sa agricultural smuggling na nagpapahirap sa mga magsasaka.
Dahil dito, ipinaliwanag ni Valeriano na sa pamamagitan ng panukalang batas na Anti-Agricultural Smuggling Act, inaasahan na unti-unti nitong lulusawin at dudurugin ang sindikato o grupo na nasa likod ng price manipulation at hoarding ng mga produktong pang-agrikultura.
Ayon kay Valeriano, sa pagbubukas ng 2nd Regular Session ng Kongreso pagkatapos ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. Tututukan agad nila ang mga panukalang batas na pupuksa sa malaon ng problema ng agricultural smuggling.
Nauna ng ipinahayag ng Manila solon na tiwala siya sa kakayahan ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na kaya nitong hubaran ng maskara ang mga sindikato sa likod ng agricultural smuggling kasunod ng pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila.
Kinatigan din ni Valeriano ang naging direktiba ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para imbestigahan ang mga salarin sa likod ng price manipulation ng mga produktong agrikultura alinsunod naman sa natuklasan ng House Committee on Agriculture and Food.
Naniniwala ang kongresista na bunsod ng naging kautusan ng Pangulong Marcos, Jr. ay agarang kikilos ang mga awtoridad sa pangunguna ng DOJ at NBI para mapanagot ang mga itinuturong salarin sa kontrobersiyal na price hoarding ng mga agricultural products. Bagama’t may ilang personalidad na ang nahubaran ng masakara sa isinagawang imbestigasyon ng nasabing Komite.
“Let us hope that this time, the culprits will be prosecuted. Some of them have been named, but there are others who remain enjoying being unknown. We hope the DOJ, by its powers and capabilities can identify them and bring them to justice without compromise,” Ang naging pahayag ni Valeriano.