Rex Gatchalian

Pilot run ng food stamp program ilulungsad sa Martes

145 Views

ILULUNGSAD ng Department of Social and Welfare Development (DSWD) ang pilot run ng food stamp program ng administrasyong Marcos sa Martes, Hulyo 18, sa Tondo, Manila.

Ayon sa DSWD nasa 50 pamilya ang kasali sa pilot run ng Walang Gutom 2027 program.

Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian susuriin sa anim na buwang pilot run kung epektibo ang programa.

“After six months ng takbo ng programa, ng pilot, titingnan natin iyong resulta. Kung maganda iyong resulta, then we scale up, where it will be initially 300,000 na pamilya and then another 300,000 the year after hanggang sa maabot natin iyong isang milyong Pilipinong pamilya na food poor kung tawagin,” ani Gatchalian.

Ang Walang Gutom 2027 ay inilungsad alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa ilalim ng programa ay bibigyan ng electronic benefit card ang mga kuwalipikadong pamilya na mayroong lamang food credit na kanilang magagamit sa pagbili ng pagkain sa mga accredited retailer gaya ng mga Kadiwa store, grocery, at maliliit na supermarket.

Upang matiyak na ang pamilyang binigyan ang gumagamit, ito ay mayroong biometric security feature. Kung iba ang gagamit, hindi magagamit ang card sa pagbili.

“Ang layunin nito is to empower ang ating mahihirap na kababayan – ang mga food poor nating mga mamamayan na makapili nang tama na naaayon sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya,” sabi ni Gatchalian.

Ang maaaring mabili gamit ang card ay pinili umano ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), kung saan 50 porsyento ang nakalaan para sa carbohydrates sources, 30 porsyento sa protein sources, at 20 porsyento sa good fats.

Ang mga benepisyaryo ay kailangan ding dumalo sa nutrition development class.

“Gusto nating maturuan ang ating mga kababayan lalo na iyong mga food poor nating mga kababayan na bumili ng tamang pagkain, magluto ng tamang pagkain para over the past next four years na part sila ng program iyong social behavioral change – kasi ayon sa datos ang mga Pilipino marami pa ring maling mga pagkain na kinukunsumo,” paliwanag ni Gatchalian.

Ang DSWD ay pumasok din sa kasunduan sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang mabigyan ng dagdag na kasanayan ang mga benepisyaryo at tumaas ang tyansa na sila ay makapasok ng trabaho.