Calendar
Win: Taxpayers’ Bill of Rights and Obligations aprubad na sa Senado
INAPRUBAHAN na ng Senado ang panukalang Taxpayers’ Bill of Rights and Obligations (TBORO), isang makabuluhang hakbang tungo sa pagbibigay kapangyarihan at pagprotekta sa mga interes ng mga taxpayer.
Naniniwala si Senador Sherwin Gatchalian, na nagtaguyod sa batas na ito, na hindi lamang ito magbibigay pakinabang sa mga taxpayer kundi patitibayin pa ang pagsisikap ng gobyerno sa pagkolekta ng buwis.
Ayon kay Gatchalian, ang panukala ay sumasaklaw sa iba’t ibang pangunahing karapatan ng mga taxpayer, kabilang ang karapatang makatanggap ng malinaw at pinasimpleng gabay sa pagsunod sa mga batas, tuntunin, at regulasyong ipinapatupad ng mga awtoridad. Tinitiyak ng panukalang batas na mabibigyan ng sapat na impormasyon ang publiko sakaling may kaso sila ng anumang paglabag.
Sa pagpasa ng Senado ng Senate Bill No. 1806 o The Taxpayers’ Bill of Rights and Obligations Act sa ikatlo at huling pagbasa nitong Lunes, binigyang diin ng chairperson ng Committee on Ways and Means na sa proseso ng pagbibigay kapangyarihan sa mga taxpayer, pinapahusay din ng panukala ang pagtupad nila sa kanilang mga obligasyon kung ang kanilang mga karapatan at pribilehiyo ay malinaw sa kanila.
Sa ilalim ng naturang panukala, lilikha ng Office of the National Taxpayer Advocate (ONTA) na kakatawan sa mga nagbabayad ng buwis na mababa ang kita, tutulong sa publiko sa kanilang mga alalahanin sa buwis, at maglalabas ng mga opinyon. Ang ONTA ay magiging isang independent office na naka-attach sa Department of Justice (DOJ).
“Gusto natin na mas maging malinaw para sa ating mga taxpayers ang proseso ng pagbubuwis. Layon nating mabigyan sila ng pagkakataon na maunawaan nang maayos hindi lang ang kanilang mga obligasyon kundi ang kanilang mga karapatan bilang mga taxpayers,” dagdag niya.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Gatchalian kina Senador Lito Lapid, Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr., Senador Cynthia Villar, Majority Leader Joel Villanueva, at Senate President Juan Miguel Zubiri bilang co-authors ng panukalang batas.