JC Abalos

Reporma sa pangingibang-bansa ng mga OFWs sinang-ayunan ni Abalos

Mar Rodriguez Sep 19, 2023
358 Views

SINASANG-AYUNAN ni 4Ps Party List Congressman JC Abalos na isulong ang reporma patungkol sa pangingibang-bansa ng mga Pilipino o ang pagiging mga Overseas Filipino Workers (OFWs) o Filipino Migrant workers para maiwasan na ang mga pang-aabuso at iba pang kalupitan laban sa kanila.

Ang pagsang-ayon ni Abalos sa naturang hakbang ay kaugnay sa naging sintensiya ng juvenile justice Kuwait court laban sa 17-anyos na salarin na punatay sa Overseas Filipino Worker (OFW) na si Jullebee Ranara.

Sinabi ni Abalos na bagama’t kalugod-lugod ang mabilis na resolution ng Kuwait court sa kaso ni Ranara bunsod ng agarang paggulong ng hustisya. Subalit iginiit ng kongresista na napakahalagang maitaguyod parin ang isang matibay na “bilateral agreements sa pagitan ng Pilipinas at host countries.

Ipinaliwanag ni Abalos na kabilang sa mga dapat isulong na reporma ay ang standard contract, sistema sa pagsasagip o pag-rescue sa isang distressed OFW at pagsasagawa ng imbestigasyon sa kaso ng pang-aabuso at pagapatay sa OFW gaya ng nangyari sa kaso ni Ranara.

Binigyang diin ni Abalos na ang kaso ni Ranara ay dapat magsilbing “eye opener” para sa pamahalaan para mas lalong mapangalagaan ang mga OFW at huwag ng hayaan pang masundan ang kaso ni Ranara sa iba pang OFWs na nakikipag-sapalaran sa ibang bansa alang-alang sa kanilang pamilya.

Samantala, ikinalugod naman ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez ang hatol na pagkakakulong ng Kuwait court sa pumaslang kay Ranara na isa aniyang positibong mensahe para sa mga OFWs.

“We thank the authorities in Kuwait from its police force to its court for helping serve justice in the case of our kababayan, Jullebee Ranara. Her brutal killing shocked us to our core, especially the OFWs. This verdict goes a long way in assuage their fears,” pahayag ni Speaker Romualdez.