Calendar
Speaker Romualdez: Trabaho muna para solusyunan mga problema ng bansa
NAGPASALAMAT si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pakikilahok ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga usaping politika at nauunawaan umano nito ang kanyang interes kaugnay ng halalan sa 2028.
Subalit naniniwala umano si Speaker Romualdez na maraming problema ang bansa na nararapat na pagtuunan ng agarang pansin gaya ng isyu ng pagpapa-unlad ng ekonomiya, sa sektor ng kalusugan at ang pang-rehiyon gaya ng agresibong mga hakbang ng China sa West Philippine Sea.
“Ako’y naniniwala na mas mahalaga ngayon na mag-focus tayo sa mga problema na kasalukuyang kinalaharap ng bansa”, ani Romualdez.
“Marami pang problema ang mga Pilipino na kailangang bigyan ng solusyon. Hindi eleksyon ang sagot sa sikmurang gutom,” dagdag pa ng lider ng mahigit 300 kongresista.
Bilang lider ng Kamara de Representantes, sinabi ni Speaker Romualdez na ang kanyang prayoridad ay maitaguyod ang pagkakaisa at koloborasyon ng iba’t ibang partido.
Dagdag pa ng mambabatas,”hindi ito ang tamang panahon ng diskurso, o pakikinig sa mga tsismis o espekulasyon hinggil kung sino ang tatakbo sa 2028 elections”.
“Kailangan magbuklod ang lahat ng sangay ng pamahalaan ngayon para itaguyod ang ating bansa at mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino”, dagdag pa ng Speaker of the House.
Kaugnay ng kanyang personal na hangaring pampulitika, sinabi ni Speaker Romualdez na sa kasalukuyan siya ay nakatutok sa pagiging lider ng Kamara at pagsisilbi upang maibigay ang pangangailangan ng bansa.
“Ang focus ko ngayon ay ang kasalukuyang responsibilidad ko at hindi kung ano ang gagawin ko sa darating na halalan. Let us just all work together for the Filipino people because they deserve it”, ayon pa kay Romualdez.
Sinabi ni Speaker Romualdez na kinikilala nito ang mahalagang kontribusyon na nagawa ng dating Pangulo at umaasa na ipagpapatuloy nito ang pagbibigay ng kanyang suporta at kaalaman.